Kahapon ay kinasal ang unang pares sa barkada namin. Sa totoo lang, nagulat ako na siya ang nauna, dahil nung magkakasama pa kami sa apartment, for a time, siya lang ang single. Pero, ika nga ang tadhana ay iba maglaro. Inunahan niya kaming lahat. At ngayon malapit na rin siyang maging tatay. Kahit papaano, feeling ko may pag-asa talaga ako... hehehe
Kaya bilang tribute sa bagong kasal, magkukwento ako ng mga kwentong kasal. Matagal tagal na rin akong hindi nagsusulat ng mga kwentong Gillboard. Namiss ko lang.
KASAL 1
Marami-rami na akong nagampanan sa kasal... ring bearer, coin bearer, bisita, abay, at taga sindi ng kandila. Pero ang pinakahindi ko makakalimutan ay yung isang kasal kung saan ako'y naging isang Best Man. Lalong lalo na dahil hindi ko kilala yung groom.
Nasa kolehiyo pa lang ako nun. At isang gabi, pag-uwi ko galing pasok, lahat ng kamag-anak ng groom ay hinihintay ako. Ambush. Sabi nila biglaan yung kasal dahil nabuntis ni groom si bride. Biglaan lahat, kaya minadali rin yung paghahanda sa kasal. Sa pamilya ni groom inihanda na nila lahat... except nakalimutan nilang may best man pa pala... at dahil nasa probinsya lahat ng kaibigan ni groom, ako na lang yung choice nila. Dahil best friend ng pamilya nila yung nanay at tatay ko...
Ako naman, dahil naambush na... wala nang choice kundi umoo. Ginampanan ko naman ng maayos ang role ko bilang best man... pero malay ko ba na pagdating ng reception, kelangan kong gumawa ng toast. Ano ba naman ang alam ko dun? Hindi ko naman kilala si groom!!!
Pawis na pawis, at walang maisip... ang tanging nasabi ko lang. "Cheers sa bagong kasal na sina Mr. and Mrs. Fernandez!!!"
Fernando ang apelyido nila.
KASAL 2
Gaya ng sinabi ko... nakapag-abay na rin ako. Pero yung kasal na yon, medyo weird.
Nakarinig na siguro kayo ng kasal na di natuloy dahil di sumipot si bride o si groom... pero yung kasal na yun... ang hindi sumipot... yung PARI!!!
Pero hindi yun yung weird part... kapitbahay namin yung kinasal... sa una... di ko naiintindihan nung una kasi hayskul pa lang ako noon...
Noong una, parang normal lang... nagmartsa kami... lahat ng ginagawa sa kasal sa umpisa, ginawa namin... pero pagdating sa altar... walang nangyayari, kasi nga walang pari. Halos isang oras din kami naghintay... hindi naman umiiyak si bride or walang dramang nagaganap.. pero walang nangyayari.. bigla na lang, sinabi samin ng kapitbahay na tumuloy na lang daw kami sa reception.
Nagtataka, sige umoo na lang kami. At tumuloy sa reception. Ang mas nakakapagtaka... sa reception, lahat ng tao kumocongratulate sa mag-asawa na parang kinasal nga. Ako ngumiti lang. Sa reception, tuloy pa rin yung program. May cutting of cake... kalapati... basta lahat-lahat ng ginagawa sa reception, ginawa nila... toast.. at lahat ng tao eh masaya... in fairness, dahil mayaman yung pamilya ng kapitbahay ko... sobrang sarap at sosyal ng pagkain...
Nakapagtataka lang talaga yun. Walang pari, pero parang ayus lang sa kanila. Parang walang nangyari.
Or may kasal na nangyari na hindi namin namamalayan. Hmmmm...
KASAL 3
Eto ata ang pinakapaborito kong kasal. Kasal ng pinsan ko mga 3 years ago.
Sobrang bonggang bongga dahil parehong US navy soldiers yung kinasal. Parehong mayaman. At dahil parehong stateside sila, yung buong angkan nila umuwi ng Pilipinas.
At dito sa bahay namin silang lahat nakatira. Dito ata nagsimula akong tumaba. Paano ba naman araw-araw parang fiesta sa bahay namin. ANG DAMING PAGKAIN!!! At dahil nga maraming balikbayan, ang dami kong nahalbat na bagong tshirt, chocolate, at kung anu-anong pasalubong.
Nakilala ko rin ang ilan sa aming mga kamag-anak na hindi ko alam nageexist. Dun ko narealize ang dami ko palang pinsan na hot!!! Ngalang, masama ang incest. Hay.
At eto pa. Dito lang ako nakaranas ng Wedding Rehearsal. Yung parang sa mga American movies. Ang sosyal diba!!! Panalo. Dun sa dinner, akala ko nga may kakanta ng Say A Little Prayer. At sa Manila Hotel pa nakatulog yung iba. Hay.
Yung kasal, normal lang. Walang masyadong drama na naganap. Actually, walang kwento sa kasal mismo. Dun sa pre-wedding lang. Ang saya kasi. Hehehe