Nov 23, 2009

REPOST: ALAALA NG NEW ZEALAND

Mahigit isang taon na rin ang nakakalipas nang ako ay ipadala ng kumpanyang pinagtatrabahuan ko sa bansa ng mga tupa, gatas at Lord of the Rings, ang New Zealand. Kahit na halos isang buwan lamang ang aming pananatili doon, isa iyon sa mga hinding-hindi ko makakalimutang karanasan sa buhay ko. Iniisip ko kung makakagawa ba ako ng kwento tungkol sa mga karanasan ko sa bansang iyon. Siguro, pag reminiscing mode ako, gagawin ko iyon.

Pero as for now, since rinequest ni Wheezer na magpost ako tungkol dito, repost ko ang mga bagay na di ko mamimiss sa New Zealand.

************

Marahil marami akong naisulat na magaganda noong nakaraan tungkol dito, ngunit hindi iyon ang buong katotohanan. Marami ring kapintasan itong bansang ito.Tara, bilangin natin...
  • Malungkot ang mga gabi. Walang magawa, dahil lahat sarado na pagtungtong ng alas-5 (alas-3 kapag linggo!!!)
  • Hindi ko mamimiss ang ice cream ninyong tuluyang nagpataba sa akin. Hindi ko mamimiss and gingernut at spicy apple flavored ice cream ninyo na pagkamahal-mahal!!!
  • Hindi ko hahanaphanapin ang reverse bungee ninyo, dahil di ko naman ito nagawa (sobrang nalasing ako sa wine para gawin pa yon nung huling gabi namin).
  • Paano ko mamimiss ang NZ eh hindi naman kami lumabas ng Wellington!!!
  • Natutuwa ako at malayo na ako sa mga mamahaling mga pagkain. P300 para lang sa matabang na tustadong tadyang ng manok!!! Ang tabang pa!!! Kung tutuusin, karamihan ng kinain namin dun, kami rin ang nagluto...
  • Sobrang hindi ko rin mamimiss ang inyong mga drayber na walang personalidad!!! Di tulad dito na irate ang mga ito!!! Di pa kami mapipilitan na magpasalamat pagkatapos ang aming kasamahan ay sigawan!!!
  • Hinding hindi ko din mamimiss ang inyong mga tupa. Dahil ang baho ng karne nila. Hindi na ako nakapag-ihaw sa stove dahil sa tuwing binubuksan ang stove, eh ang masangsang na amoy nito ang una kong napapansin.
  • Hindi ko din mamimiss ang Parliament House ninyo dahil hindi kami pinayagan na makapag picture-taking sa loob nang ito'y nagkaroon ng open house!!!
  • Hindi ko mamimiss ang mall ninyong ubod ng laki.
    At ang bansa ninyong nuknukan ng lamig.
  • Hindi ko mamimiss ang maglalakad lang papuntang opisina, hotel, supermarket, arena at kung saan saan pa. Mas gusto ko bumiyahe sa sasakyan!!!
  • Hindi ko mamimiss ang manuod ng rugby kahit di ko naiintindihan ang mga rules ng laro!
  • Hindi ko mamimiss lahat ng yan. Masaya ako sa Pilipinas. Ang mainit, kurakot, magulo, matao, at matraffic na Pilipinas. Dito lang ako...

**********

This is all a lie... I so miss New Zealand!!!

Nov 16, 2009

KWENTOTERO

Bilang parte ng aking mga anniversary posts ngayong buwan ng Nobyembre (salamat nga pala sa lahat ng mga bumati noong 4th year anniversary post ko... at sa mga hindi pa bumabati, huli na ang lahat di ko na tatanggapin ang mga bati ninyo... hahahaha), naisip kong magbahagi ng ilang sikreto tungkol sa mga nababasa ninyo. Yung mga fictional posts ko.

Unahin ko muna ang pagpapasalamat sa pagtangkilik sa mga kwentong fiction ko. Natutuwa ako't medyo maraming nakakaappreciate ng mga gawa ko, kahit pa merong mga isinusumpa ako dahil minsa'y naluha sila sa mga naisulat ko.

BATANG KWENTOTERO
Mahilig talaga ako sa mga kwento. Noong nag-aaral pa lamang ako, ang madalas na pinakamatataas na marka ko eh ang Wika at Panitikan at Literature. Best in Reading pa nga ako noong nasa Kinder ako, kaya pinanindigan ko na yung strengths ko. Wala akong pakialam kung pasang-awa ako sa math, science, PE at Arts, basta ba nasa line of 8 ang grades ko sa Literature at Filipino. Dahil sa totoo lang dun talaga ako nag-eexcel.

Sabi ng nanay ko, bata pa lang ako, mahilig na talaga ako gumawa ng kwento. Ginagawan ko ng sarili kong istorya si Donya Buding tuwing matutulog kami. Pati sarili ko, ginagawan ko ng kwento. Naaalala ko pa nga, noong pre-school ako paniwalang-paniwala ang mga kaklase ko na pangatlo ako sa limang magkakapatid kasi ang dami kong kwento noon tungkol sa bawat isa sa kanila, kahit minsan pa, nagkakamali ako sa mga pangalan nila. Noong hayskul pa nga, doon sa prediction ng mga kaklase ko sa yearbook namin, isa akong best selling author dahil ginawan ko yung klase namin ng epikong maaaring ihalintulad sa Ibong Adarna. Yun lang ang ginagawa ko kapag may typing class kami.

MATANDANG KWENTOTERO
Noong nasa kolehiyo at noong mga panahong wala pa akong trabaho, mayroon akong notebook kung saan ako nagsusulat ng mga kwento ko. Kwentong X-Men, Batman, kwentong comic book characters na inimbento ko, kwentong teleserye na pinagtripan ko (matatawa kayo kapag nabasa niyo yung mga alternate ending ng Mula Sa Puso, Esperanza at Villa Quintana). Lahat yun nakalathala sa mga luma kong notebook na hindi nasulatan.

Hindi ko alam kung bakit ito ang natripan ko. Pwede naman daw sports, libro, paggala, at gawaing teen-ager pero ang sumulat ng kwento ang naibigan ko. Sabi ng ilan kong kaklase, cool daw kahit may pagkaloser yung ginagawa ko. Kaya ipinagpatuloy ko.

INSPIRASYON NG KWENTOTERO
Sa maniwala kayo't sa hindi kadalasan ng mga kwentong nailalathala dito (at halos lahat ng mga nakasulat sa post ko) ay naisip ko habang ako'y nakaupo sa trono. Opo habang umeebak ako.

Ewan ko ba kung bakit ganun pero nagiging aktibo ang utak ko sa mga isusulat ko habang ako ay nakakulong sa banyo. Siguro dahil walang distraction na gumugulo sa train of thoughts ko. Yung mga pamatay kong linya (kung meron man), doon lahat nabubuo.

Minsan naman, naiisip kong gawan ng kwento yung mga bagay na nangyayari na napapansin ko sa paligid ko. Yung kwentong Lola ay hinango ko dun sa mag-inang nakasabay kong mag-almusal sa McDo noon. Ang saya saya kasi nila kaya inisip kong gawing miserable ang buhay nila. Ginawan ko ng kwento yung mga huling sandali bago bawian ng buhay yung pinsan ko. Ginawa kong mas detalyado yung kwentong Ondoy ng isang blogger na kaibigan ko. At ginawan ko ng posibleng kwento yung isang beses na may kumausap sa akin sa fx noon.

Sadyang malikot talaga ang utak ko.

************
Maraming salamat nga pala doon sa nagnominate sa akin bilang Filipino Blogger of the Week sa isang sikat na blog. Pasensya na kung hindi ako aktibo kung mangampanya para manalo. Ako nama'y ok lang na mapansin kahit hindi manalo. Naaappreciate ko ito, pero isang simpleng blogero lang naman ako na nagkukwento ng mga iniisip ko.

Bonus na lang sa akin kung may matawa, humanga, o magnominate sa akin sa mga parangal na gaya nito.

Gayunpaman, maraming salamat sa pagpansin, pagdalaw at pagbalik sa mumunting tahanan ko.

Nov 13, 2009

FIRST DATE

Hinawi ni Laurie ang mahabang buhok niya. God, ang ganda ganda niya!

Magdadalawang oras na kami sa loob ng restaurant. Hindi nauubos ang kwentuhan. Tungkol sa trabaho niya. Mga kalokohan namin noong nag-aaral pa kami. Mga ex niya. Mga lakad ko sa ibang bansa.

Pinapanuod ko si Laurie habang sinusubo niya ang kanyang pagkain. Ang sexy. Nakakaturn-on. Nakakapag-init ng damdamin. Hindi ko pa nararanasan ang ganito, kahit unang date lang namin ngayon.

Ang pula ng mga labi ni Laurie. Mestiza. Nang-aakit ang mga mata. Makinis ang balat. Kahit sinong lalaki mahuhulog talaga sa kanya. Naisip ko ang swerte ko ngayong gabi at ako ang kasama niya.

Ako na isang simpleng lalake lamang. Hindi gwapo. Hindi maganda ang katawan. Buti na lang at malakas ang sense of humor ko. Hindi ako nahirapang magpapansin sa kanya.

"Thank you Franco, I really enjoyed this dinner." sabi ni Laurie.

Matatapos na ba ang gabi? Ayoko pa sana.

"No, thank YOU. I enjoyed your company," sabi ko.

Ngumiti lamang siya.

Gusto ko siya. Nahulog na yata ako sa kanya. Sa isip ko, kailangan kong maging totoo sa kanya. Ayoko na magsinungaling.

"Laurie..."

Nag-iisip ako kung sasabihin ko ba sa kanya. Kapag nalaman niya ang totoo maaaring hindi na siya makipagkita sa akin. Baka hindi ko matikman ang kanyang mga labi. Baka hindi ko na mahawakan ang maganda niyang katawan. Baka magalit siya sa akin.

"There's something I have to tell you..." umpisa ko.

Nagtatanong ang mga tingin ni Laurie. Nalilito. Pero ngumiti siya.

"Sige, Franco. Tell me." sabi niya.

Nanlamig ang aking katawan. Tatanggapin niya kaya ang sasabihin ko. Magagalit kaya siya.

Eto na.

"Laurie, I'm married..." bulong ko.

Nakita ko ang pagkagulat sa mga mata ni Laurie. Tumingin siya sa baba. Nagalit yata.

Muling hinawi ni Laurie ang kanyang buhok at tumingin sa akin.

"Trade secret?" sabi niya.

Nilapit ni Laurie ang mukha sa akin, at pinagdikit ang aming mga pisngi. Bumulong siya sa akin...

"Me too," sabay balik sa kanyang pinagkakaupuan.

Bigla akong napangiti.

Nov 7, 2009

BAKIT MASAYA MAGING BLOGGER

Ito na ang aking 4th anniversary post. Apat na taong gulang na ang gillboard.blogspot na site!!!

Sa totoo lang, hindi magtatagal ng ganito ang blog na ito kung hindi ako naging masaya o maligaya sa mga pinaggagagawa ko. Noong una, itinayo ko ito dahil lang sa bored ako sa trabaho ko. Ayaw ko noon magpost na ng mga blog sa friendster dahil nababasa ng boss ko yung mga sinusulat ko (dahil minsan ko nang pinuna ang pag-iingles niya doon at nabasa niya ito).

Masaya maging blogger. Masarap. Maraming sorpresa. Basta. Hindi siya para sa lahat, pero doon sa mga matitiyaga at masisipag maraming rewards din naman ang makukuha sa pagiging blogger.

1. PANTANGGAL STRESS
Dito mo mailalabas lahat ng galit mo sa mundo. Sa boss mong inutil. Sa kaibigang tanga. Sa magulang na makulit. Sa mga kaaway na walang alam gawin sa buhay kundi bwisitin ka. Sa mundo. Kung hindi mo kayang isigaw ang galit mo, dito mo ito mailalabas. Makakahanap ka pa ng kakampi. Merong mangangaral, pero karamihan naman sa kanila ay maiintindihan ka. Malalaman mo pang madalas, hindi ka nag-iisa. At syempre, maraming blogger din sa mundo na makulit. Kaya kung blog hopper ka, marami kang makikilalang mga makukulit na mga kagaya ko (talagang ako ang example... hahaha).

2. MAY MGA PERKS
Ni minsan hindi pa ako nakakatikim ng libre dahil isa akong blogger (sayang yung sa Phillips, di kasi ako umattend), pero ang mga bloggers ay isa na ring target demographic ng ilang mga consumer brands. So kung sikat ka, pwede kang ayain para matikman ang pagkain nila para ireview mo sa blog mo. Madalas pa nga, mayroong mga tao na nagtatayo ng blog para lang kumita. Di naman maitatanggi, meron naman talagang kumikita dito. Pero dahil tradisyunal na blogger ako, itaga sa bato, hindi ko gagawing business ang blog na ito. Ang punto ko lang naman, mayroong mga perks din ang pagiging blogger.

3. HINDI KA MABOBOBO
Kung wala kang trabaho. Kung wala kang tinatrabaho sa 'yong trabaho. Kung wala kang pasok. O kung wala kang ginagawa sa mundo. Kung blogger ka, sigurado kang hindi ka mabobobo. Kasi pag nagsusulat ka, ginagamit mo utak mo. Hindi ito naghahibernate. At kung bumibisita ka naman sa ibang mga blog, marami kang natututunan. Minsan pa nga, para sa akin, eto ang means ko para makabalita ng mga nangyayari sa mundo. Kung ano ba ang uso. Sino ang sikat. Anong huling balita sa Bahay ni Kuya.

4. MAAAPPRECIATE ANG TALENTO MO
Kung ikaw ay isang photographer, pwede mong ipost ang mga litrato mo, at tiyak ako mayroong magkukumento dito. Kung mahusay kang magsulat ng kwento, maraming blogger ang mambobola sa'yo na pwede ka nang magsulat para sa telebisyon (kahit di nila binasa ng buo yung kwento mo). Kung mahilig kang sumulat ng tula, may pagkakataon pang mainlove sa'yo ang mga mambabasa mo. Ang blog naman libre sa lahat. Manunulat, photographer, artista, pulitiko, pokpok basta ba gusto mo magshare ng buhay mo sa mundo, malaya kang gawin ito. Sooner or later meron ding makakapansin sa talento mo.

5. MARAMING MAKIKILALANG BAGONG KAIBIGAN
Ito na marahil ang dahilan kung bakit ako nagtatagal sa mundong ito. Marami akong nakilalang mga bagong kaibigan dahil sa pagbablog. Kahit pa sabihin nating tatlo o apat pa lang ang talagang nakikita ko, kahit sa mga kumento lang, at sa mga nababasa ko sa mga post nila, nagiging kakilala at nagiging feeling close ako sa kanila. Palaging merong something na magkatulad kayo. Ang palitan ng kumento, mapupunta sa palitan ng ym. Di niyo na lang mapapansin nagkakape na kayo. At kung suswertehin ka pa, maaaring dito mo rin makilala ang mamahalin mo at ang taong magmamahal sa'yo.

Kaya siguro, kahit na ilang beses ko gawing magpaalam sa blog na ito, palagi pa rin akong bumabalik. Masaya kasing maging isang blogger. Lalo pa ngayong lumalaki ang network of friends ko.

****************
Ako nga pala ay muling magpapasalamat sa lahat ng bumisita, nagbasa, nagfollow, naglink, dumaan, nagkomento, nag-ayang makipagdate, napadpad dito dahil ginoogle ang salitang j@ck0l, umaway at nakipagdebate sa akin dito sa blog na ito.

Pasensya po kung hindi ako masyado nakakadaan na ngayon or kung hindi ko nauupdate yung blogroll ko. Iwan ninyo sa comments kung wala pa kayo dito, gagawin ko siya sa Lunes.

Four years. Wow. Inuugat nako dito sa blogspot.

Nov 2, 2009

MULTIPLE CHOICE

Anong meron ang happy Gillboard?
  • Maraming pera dahil nanalo sa lotto.
  • Mas maraming pera dahil napromote.
  • Anak. Nakabuntis ng babae, kahit hindi niya syota.
  • Nakabili ng bagong DSLR.
  • Lalabas ulit ng Pilipinas.
  • May inspirasyon at nagpapaligaya sa kanya.
  • Nakabili siya ng hardbound copy ng Old Man Logan.
  • Mag-aapat na taon na sa isang linggo itong blog na ito.
  • Nakascore siya kagabi.
  • May nagbabasa sa dalawang blog niya.
Isa lang yung sagot diyan. Yung huli ay tama, pero meron pa isang sagot diyan ang mas tama.

Mahulaan niyo kaya?

*************
Tama din pala yung anibersaryo ng blog na ito... Pero mas may tamang sagot pa dun sa dalawang yun.

Oct 29, 2009

KWENTONG HALLOWEEN

Ang sabi nila doon sa lote na kinatatayuan ng bahay namin may nakatirang ilang mga espiritung hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang liwanag. Paano, napakatahimik sa bahay namin, lalo na pag wala ako sa bahay. Binubuksan lang ng nanay ko ang tv kapag Wowowee na o kaya nama'y Big Brother Uber na yung palabas.

Sabi ng may "third eye" na napapadaan sa amin, meron daw matandang lalake sa harap ng bintana ng lumang bahay namin. Minsan daw merong bata na nakaupo doon sa may terrace sa ikatlong palapag ng bagong bahay namin. Tapos kung saan saan pa.

Paminsan-minsan, kapag ako'y umaakyat na patungo ko sa kwarto, makakaaninag ako ng babae sa may pintuan ng banyo. O kaya'y makikita ko sa gilid ng mata ko minsa'y may batang nakaupo sa hagdanan namin. Maaaring guni-guni lang ng pagod kong mata kakacomputer ang nakikita ko. Pero dahil tatlo lang kami ng mga magulang ko sa bahay kaya hindi na ako nagtatanong kung ano yun. Baka tabihan pa ako sa pagtulog ko.

*************

Nagsimula akong makaramdam noong bata pa ako.

Noong buhay pa ang pinsan ko, madalas siyang nanggugulat. Tatalon sa kama namin sabay mangingiliti. Mang-aasar lang. Namatay siya dahil nahulog sa condo unit na tinitirahan nila ng kapatid niya.

Ilang araw makalipas nang siya ay ilibing, madalas na siyang nagpaparamdam. Minsan, habang nanunuod ako ng tv, bigla na lang lulubog ang kama ko, na para bang may tumalon. Tapos, minsan habang pinipilit kong matulog, bigla na lang parang may tumatabi sa akin. Hindi ko nakikita, pero alam kong yun yung kuya ko, nagbabantay sakin.

**********

Bakasyon noong hayskul ako, at nagbababad sa telepono nang hatinggabi. Kausap ko ang kaklase ko, at nakikibalita sa mga kaganapan sa buhay-buhay nito.

Dahil hindi naman talaga ako makwento, tahimik lang ako na nakikinig sa mga pinuntahan ng kaibigan nang nagdaang linggo.

Gising na gising pa ako, at mulat sa lahat ng nangyayari sa paligid nang biglang hindi lang iisa ang naririnig kong nagsasalita. Sa kabilang tenga ko, may bumubulong ng kung anu-ano na hindi ko naiintindihan. Nanginig ako, at nabagsak ang telepono. Walang tao sa paligid.

Nang itanong ko sa kaklase kung may narinig siya, wala raw. Baka daw nakatulog lang ako. Pero alam kong gising na gising ako.

**********

Isang linggo pa lang akong natutulog sa bagong kwarto ko sa bagong bahay namin. Isang gabi, nanaginip ako ng masama.

Pilit kong ginigising ang sarili ko. Alam kong gising na ako, ang kulang na lang ay imulat ang mata, pero hindi ko magawa. Nararamdaman kong may nakapatong sa akin at pinipigilan akong bumangon at gumising. Alam kong madilim, pero may naaaninagan akong anino ng bata na hinihila ang mga paa at kamay kong pataas. Pero nakaupo siya sa dibdib ko. Naririnig ko yung
batang tumatawa.

Nagsimula akong magdasal ng Ama Namin. Ang bigat ng mata ko, pero salamat sa Diyos, naibuka ko ito.

Malakas ang bentilador, at malamig ang panahon, pero basang-basa ako ng pawis.

**********

Sa kwarto ng Tita ko madalas ako matulog kapag tag-init dahil yun lang yung kwartong may aircon.

Minsan, nagigising ako ng madaling araw dahil maingay sa labas ng bintana ko. Ang harap ng kwarto nila ay terrace.

Madalas akong nakakarinig ng mga batang naghahabulan sa labas ng bintana namin. Ni minsan, eh inisip kong kapitbahay lang ang mga ito, dahil kahit bakasyon, walang matinong bata ang maglalaro ng habulan alasdos ng madaling araw.

Hindi na ako bumabangon, at pinapatugtog ko na lang ang radyo ng telepono ko nang hindi na marinig ang mga bata sa labas ng bahay ko.

**********

Hindi ako nakakakita ng multo, at ni minsan hindi ko pinapangarap na makakita nito. Wala akong balak. Wala akong lakas-ng-loob. Pero minsan, sa gilid ng mata ko, may nakikita akong mga aninong gumagalaw, kahit ako lang mag-isa sa bahay.

Sabihin man nating hindi ako naniniwala sa mga multo, sadyang meron talagang mga bagay na magbibigay ng dahilan upang tayo ay magdalawang-isip.
Happy Halloween!!!

Oct 25, 2009

LOLA

Alas sais ng umaga regular akong kumakain sa McDonald's sa kanto ng village namin.

Semi-suki ako ng kainan na ito dahil walang nagluluto sa bahay namin tuwing umaga. Pagdating ko mula trabaho sa umaga, nakahilata pa sa kama ang aking mga magulang. Alas-diyes na ang mga ito kung gumising.

Habang nag-aalmusal, dumating ang isang pares ng mag-ina. Matatanda na sila. Yung anak, maaaring nasa edad kwarenta na, habang ang nanay na akay-akay ay maaaring nasa sitenta na. Matanda na si lola at mukhang tuwang-tuwa ginawa para sa kanya ng anak.

"Oh ayan nanay ha. Kakain na tayo sa McDonald's! Alam ko gustung-gusto mo dito! Masaya ka ba nay?"

"Aba syempre naman hijo! Sayang di kasama si Ria."

"Nay natutulog pa po si Ria. Uuwian na lang natin ng pagkain yung apo niyo ha." paliwanag ng anak.

Hindi magkahawig ang mag-ina sa isip-isip ko. Mukhang may kaya ang lalake, habang mukhang nanggaling sa hirap ang ina. Mistisuhin ang anak na lalake habang morena naman ang ina. Bakas sa mukha ng ale na marami siyang pinagdaanan.

Umupo ang mag-ina sa lamesa sa aking tabi.

"Sandali lang nay ha. Mag-oorder lang ako. Gusto niyo po ng burger diba?"

"Salamat anak ha." ang sagot ng matanda.

At iniwan ang ina sa mesa. Ngumiti ako sa matanda habang sinisipsip ang orange juice sa aking baso.

"Ang bait niya 'no?" tanong sa akin ni lola.

"Opo." ang sago ko.

"Asawa siya ng anak ko. Kaya lang iniwan na niya kami. Kasama na niya ang tatay niya sa langit." nagbigay lamang ako ng isang malungkot na ngiti. Patuloy lamang ako sa pagkain ng aking almusal. Hinahayaan magkwento ang matanda.

Ilang saglit pa ay dumating na ang anak. "Eto nanay ha. Eto ang burger. Kumain na muna po kayo ha. Pupunta lang ako sa drugstore. Bibili lang po ako ng gamot para sa presyon ko ha. Diyan lang muna po kayo."

Dala-dala ang pagkaing marahil ay para sa kanyang anak. Nagmamadaling umalis ang lalake.

"Hijo," kalabit sa akin ng nanay, "samahan mo muna ako dito ha habang hindi pa dumarating ang anak ko ha?"

"Sige po lola." sabi ko.

"Alam mo si Andy mabait na bata yan," kanyang panimula habang nginunguya ang kanyang Sausage Muffin, "noong bagong magkasintahan sila ng anak ko hindi talaga ako boto sa kanya. Ayaw ko talaga sa kanya noon pero nagpursige siya para tanggapin ko siya. Nag-iisang anak ko lang kasi yung anak ko."

Nakikinig lang ako sa matanda. Malapit nang maubos ang pagkain ko. Pero dahil nangako akong sasamahan siya inisip kong bagalan na lang ang pagkain. Malapit lang naman yung drugstore, di siguro magtatagal yung Andy.

Pinakinggan ko ang mga kwento ni lola. Kung paano niya pinahirapan ang lalake habang nanliligaw pa ito sa anak. Na kahit madalas hindi magkasundo ang dalawa ay minahal pa rin ito ng manugang. Iba talaga ang gusto ng nanay para sa anak pero dahil nakita niyang mahal talaga niya ang manliligaw, tinanggap na din niya.

Marami pang kwento ang matanda at naubos na ang pagkain namin pero hindi pa dumarating si Andy.

"Lola, taga saan po ba kayo?" tanong ko.

"Naku. Malayo hijo. Hindi ako sanay sa Maynila. Taga Capiz talaga ako. Kung saan kami dito sa Maynila hindi ko alam. Basta mahaba yung biyahe namin kanina."

Bigla akong kinabahan. Ayokong maging malisyoso pero pinagdasal ko na sana mali yung iniisip ko. Sana mahaba lang ang pila sa drugstore. Tumingin ako sa relo ko. Halos isang oras ko na rin palang kasama si Lola.

Hindi ko naman siya pwedeng samahan ng matagal dahil inaantok na rin ako.

"Nay." buntong hininga ko. "kailangan ko na pong umuwi. Baka hanapin po ako ng magulang ko." paalam ko sa matanda.

Nalungkot si nanay. Naramdaman din niya siguro yung nararamdaman ko. Yung kaba. Gustuhin ko mang samahan si lola pero kailangan ko nang umalis. Iiwan na naman ang matanda.

Nilapitan ko yung isang crew ng kainan para mabantayan ang matanda. Pinakilala ko siya kay lola para samahan ito habang hinihintay ang manugang.

"Nanay, aalis na po ako. Malapit na po siguro bumalik si Andy. Medyo malayo po dito yung drugstore. Pasensya na po ha."

Hindi na nakikinig si Lola. Nakatingin lang sa pinagbalutan ng kanyang kinain.

Hindi ko maiwasang hindi tingnan si lola habang palabas ako. Parang nababasag ang puso ko sa bawat hakbang palayo sa kanya.

Sana mali ako. Sana balikan siya.

*************
Naisip ko lang kahapon, hindi lahat ng kumakain sa McDonald's masaya.

Oct 18, 2009

HINDI MABABASA DITO

Sa isang buwan ay magcecelebrate na itong blog ko ng kanyang ikaapat na kaarawan. 4 years old na ito. Matanda na. Mature na. Pero yung may-ari hindi pa rin... konti lang.

Halos 400 na rin ang naisusulat ko dito. Sa tingin ko noon kaya ko muntik na itong bitawan ay nasabi ko na ang lahat. Hindi pa rin pala. Natutunan ko, habang ikaw ay nabubuhay araw-araw may matututunan kang bago. At habang may natutunan ka, meron kang maisusulat. Meron kang maikukwento.

Mag-aapat na taon na ang blog na ito, pero kahit na ganoon, mayroon pa ring mga bagay na hindi ninyo mababasa dito. Mga bagay na hindi ko gagawin sa mundo ng blogosperyo. Unang-una dahil sumusunod ako sa blog etiquette. At pangalawa, maraming nakakakilala sakin sa tunay na buhay na nagbabasa ng blog na ito.

Kaya ngayon, ililista ko dito ang mga bagay na hinding hindi ko gagawin at hinding hindi ninyo mababasa dito.

MGA KWENTONG KAMUNDUHAN
Rated General Patronage ang blog kong ito. Kaya corny man ay hindi talaga ako magsusulat ng mga post tungkol sa aking mga karanasan bilang isang lalakeng makamundo. May naisulat na akong noon tungkol dito, pero yung mga kwentong iyon ay mga kwentong kapupulutan ng aral. Gaya ng huwag makikipag eyeball kung kani-kanino lang. Huli na yun, at marami atang nagtataasan ng kilay nang mabasa nila yung sinulat ko na yun. Basta ang dapat niyo lang tandaan, hindi ako magsusulat ng mga makamundong post hindi dahil walang aksyon na nagaganap sa buhay ko (meron naman paminsan minsan)... pero dahil gentleman ako. Hehehe

PULITIKA
Unang-una, wala akong karapatan magreklamo sa gobyerno, kahit na gaano kakurakot pa ito. Hindi pa ako bumoboto. Tsaka wala naman akong masasabi tungkol dito. Sa ngayon, wala rin naman akong pakialam. Hindi ako maopinyon pagdating sa mga pulitikal na topic. At ayoko rin namang magpanggap na may alam, dahil wala rin naman. Magmumukha lang akong tanga. Siguro pagnakaboto na ako.

BLOGWAR
Hinding hindi ako mang-aaway sa kapwa ko blogero. Kung hindi sang-ayon sa opinyon ko ang isang tao, ayos lang. Karapatan nila iyon. Hindi ako mag a-unfollow ng isang blogger dahil hindi ko nagustuhan ang sinulat nitong kumento sa isang post ko. Hindi ako mapipikon sa opinyon sa akin ng mga mambabasa, dahil kahit papano laitero din naman ako. Madali lang naman ang dapat gawin kapag hindi ko nagustuhan ang mga pinagsasabi ng isang tao, wag balikan ang blog niya. Tapos. Di ako magpapalaki ng issue, pasisikatin ko lang yung taong yon. Ika nga, make love not war. Pero if I make love, di ko isusulat iyon.

KALALIMAN
Aaminin ko, mababaw na tao lang ako. At ako yung tipo ng mambabasa na gusto ko naiintindihan ko ang binabasa ko sa unang basa nito. Ayokong dumudugo ang ilong ko, nagbabasa lang ako ng kwentong ligawan. Ayoko rin namang pinahihirapan ang mga dumadaan dito. Tsaka sa totoo lang, di ako malalim mag-isip. Mukha akong palaging nag-iisip, pero sa totoo lang nagspace out lang ang utak ko.

Yan lang naiisip ko ngayon. Ayoko naman magdagdag pa ng iba, kasi pag dinagdagan ko, baka wala na akong maisulat dito. Mahirap na, ayoko na magpaalam ulit, baka wala nang maniwala.