Pagpasensyahan niyo kung medyo mahaba itong ipopost ko ngayon. Wag kayo mag-alala, di ito madrama... susubukan kong gawin itong light... usually naman nagdadrama ako dito sa blog kapag nabasted ako.
Uso kasi sa mga kaibigan ko sa facebook yung magreminisce tungkol sa kumpanyang pinagtatrabahuan namin dati. Halos lahat kami ay matagal nang wala duon, pero ika nga hanggang ngayon hindi pa rin sila makamove on. Kaya ito, ikukwento ko ngayon ang buhay boss ko...
KWENTONG TLTarantado akong TL noon. Pasaway. Nauso ang sakit na UTI sa opisina dahil ata sa akin. Paano ba naman kasi, ang mga naglalakas loob noon na pumunta ng banyo eh pagbalik eh laging nagugulat... pagbalik nila, yung headset nila nakasawsaw na sa pulbos o sa tubig, yung tubig nila lasang C2 na... yung upuan nila nakabaligtad, tapos yung laman ng bag nila nakakalat sa floor. Tapos minsan yung sapatos nila nakatago sa ibabaw ng mga locker o kaya naman yung monitor nila di na nakakabit sa pc. Oo isa akong malaking brat!!!
Marami na rin akong napaiyak noon. Madalas naman hindi sinasadya. Nadadala lang sila madalas sa pressure, lalo na pag serious mode ako. Lagi ko hinihingan ng benta. Ayun, nagsisimula tumulo ang luha, pag di nakakayanan. At isa sa mga dahilan na hindi ako lumalapit sa mga buntis eh dahil nga muntik nako mapahamak dahil dun. Pano ba kasi, may nagpaalam sakin na magcr, eh nung nagsabi sakin halfway na siya mula sa station at banyo, nasabihan ko lang ng 'ano pa ba, andyan ka na' hayun, humagulgol. Simula nun, di na ko masyado nakikipag-usap sa buntis.
Madalas naman mga babae ang napapaiyak ko. Isa pa lang ata yung lalakeng umiyak sakin. Kinukwento niya kasi yung drama sa buhay niya. Nung mga panahong yon... naisip ko, wala ang Wowowee sa drama nitong batang ito.
EXCUSES EXCUSESBilang bisor naman, dami rin ako naging pasakit dun. Lahat na ata ng excuse para umabsent eh natanggap ko na...
"Sup Gil, di po ako papasok kasi naglayas yung pinsan ko."
Feb: di daw papasok kasi bday ng nanay... Abril: bday naman ng tatay... Hulyo: bertdey ulit ng nanay. Ilan ba ang magulang ng batang ito?
Meron ding mayroon ding nagsasakit sakitan... tapos biglang makakasalubong mo sa Glorietta.
Lahat yan, napagdaanan ko na... kasi nagamit ko na rin yan nung agent pa ako.
Nasabi ko na ba kung saan nanggaling ang pangalan ng blog na ito? Ang Gillboard kasi ang tawag sa board ng team ko noon. Opo, kahit ako na yung Operations Supervisor, may panahon na may hinawakan din akong mga tao. Tapos sa board na yun nakalagay yung mga benta ng mga tao ko. Kung absent sila... kawawa sila... dahil nakapost dun kung bakit sila nakaliban noong araw na yun. Nagmotmot mag-isa... Nabasted - hindi kinaya... Nirarayuma...
Pero wala namang na-offend. Alam naman nila na it's all for fun lang. Hindi naman ako sineseryoso ng mga tao dun. Kaya kapag may inaannounce akong importante, minsan hindi nila alam kung paniniwalaan ba nila ako o hindi. Ang maganda lang siguro, eh pag sobrang seryoso na ang usapan eh nakikinig naman sila.
DI NAMAN AKO GANUN KATERRORKung sa tingin niyo, eh napakasama kong boss, hindi naman. Kagaya ng isang nagpupumilit na maging isang mahusay na bisor, naaappreciate ko naman yung paghihirap ng mga tao ko para sa programa namin. Minsan nga, kapag walang ibinigay na budget sa amin ang kliyente namin bumubunot ako sa sarili kong bulsa ng funds para may maibigay sa mga bentador ko.
At kung sa tingin niyo, eh walang gustong mapunta sa team ko noon, ang totoo niyan, maraming ahente dati ang lumalapit sakin at nagpapaampon. Kahit na may sira ang ulo ko, ako lang noon ang nagbibigay ng chocnut sa mga agents ko. Ang team ko lang ang may sariling pakontes. At kapag may kontes ang buong account, kadalasan team ko ang nananalo. Lahat ng taong humawak ng pinakamaraming benta sa buong programa ay nanggaling sa aking pangangalaga. At halos lahat ng napromote eh at one point or another eh naging agent ko.
Ang pinagmamalaki ko lang siguro aside dun sa mga naaccomplish ng account namin, eh ni minsan, hindi ako o ang support team ko naakusahan na namumulitika. Ewan ko, siguro dahil open ako sa lahat ng desisyon ko sa mga tao ko. Kung may mga hindi ako napagbibigyan, eh sinisigurado ko na naipapaliwanag ko kung bakit hindi ko maibibigay yung hinihingi nila. At sa kabila ng mga kagaguhan, kalokohan at katarantaduhan ko sa floor, sa totoo lang, mabait naman talaga ako.
MAGBUBUHAT LANG NG BANGKOAlam ko na hindi ako perpektong boss. Alam kong marami akong pagkukulang at maraming dapat pang matutunan. Hanggang ngayon tanggap ko yon. Gayunpaman, hindi maitatanggi ninuman na may mga nagawa akong maganda para sa account na yon.
Nang magsimula kami ng back up ko na hawakan yung account na yon, 50 lang ang tao namin at 3 lang ang TL noon. Pero noong umalis ako, 113 ang bilang ng ahente ko, 8 ang TL ko. At lahat ng taong dumaan sa account ko, kilala ko.
Noong ilipat ang account namin mula Ortigas papuntang Marikina, nung unang buwan namin, isa lang ang nawala sa mga tao ko. Ang programa ko ang nagpauso ng mga fun days sa office. At kahit mukha kaming tanga kapag naka sports costume, prom night, hiphop vs metal, geeks and nerds, santacruzan, 70's, 80's o kaya crossdress ang theme namin, game lahat ng tao.
AT SA PAGTATAPOS...Siguro kaya halos lahat kami ay nahihirapang makamove-on pag-alis namin sa kumpanya, dahil sobra kaming naattach sa programa at sa mga tao nito. Lalo na ako, andun nako simula pa lang ng account. Magkakasama kami ng mga tao ko para palakihin yung account.
Andun yung halos mamalimos kami sa mga TL namin, QA, at sa boss ko para lang may maibigay na papremyo sa mga ahente namin pag tumaas yung benta ng account. At dahil lahat ng mga ahente dito ay magkakakilala, para na talaga kaming isang pamilya. Lalo na nung nasa Marikina na ang lahat. Minsan hindi lang kami magkakatrabaho, yung iba magkakapitbahay pa.
Di ako iyaking tao, pero nung huling araw ko sa trabaho, napaiyak nila ako. Syempre wala na masyadong maraming tao nung nangyari yun. Pero natouch lang ako sobra sa ginawa nila. Binigyan nila ako ng dvd ng mga mensahe para sakin ng mga iniwan ko. Nang matapos ang despedida party sa apartment, at bumalik na ang lahat sa trabaho, isang oras akong ngumangawa mag-isa noong pinapanuod ko sa bahay yun. Alam ko kasi na nagtapos na yung isa sa pinakamagandang kabanata sa buhay ko.
Pero nakamove on na ako...