September 26, 2009, 3:00pm
Walang tigil ang ulan, halos tatlong oras pa lang, mataas na ang tubig sa amin. Ang sabi ng mga kapitbahay, sa labas ng village namin hanggang baywang na ang baha. Ilang oras na lang, kapag hindi pa tumila ang ulan papasukin na ang tahanan namin.
Sabi ng nanay, iakyat na raw ang mga gamit at baka masira ang mga kagamitan sa bahay. Sa tulong ng mga kapatid, ng katulong at ng tatay, naiakyat namin ang aming mga kasangkapan sa ikalawang palapag ng aming tahanan. Kinuha ko ang mga gamit na hindi ko pwedeng iwan. Ang cellphone. Ang laptop. Ilang mga damit. Mga charger at mga litratong hindi dapat masira. Nilagay ko sa bag ko, kung sakali mang pasukin ang bahay namin.
Alas-kwatro ng hapon. Pumasok na sa bahay namin ang tubig baha. At mabilis itong tumataas. Sabi ng nanay, umakyat na kami.
Taos puso kaming nagdarasal sa Panginoon para tumigil ang ulan. Lumuluha na ang aking ama. Sa unang pagkakataon, nakita ko ang takot sa kanyang mga mata.
Hindi pa rin tumitigil ang ulan.
Lumabas ako sa aking kwarto upang tingnan kung gaano kataas na ang tubig, at nagulat ako, na nasa ikatlong baitang na sa aming hagdanan ang tubig ulan at mabilis pa itong tumataas.
Tatlumpung minuto at dalawang baitang pa ang itinaas nito. Sa loob lang ng dalawang oras, kapag hindi pa humupa ang ulan maaaring pati ang ikalawang baitang ng bahay namin ay abutin na rin ng ulan.
Ngayon lang ako natakot sa buong buhay ko. Mabuti na lang at nasa tabi ko si Figaro. Ang aso naming anim na taon nang kasama namin.
Si Figaro ay isang Labrador. Unang asong may lahi na aking naalagaan. Sa kanya napunta ang unang bonus ko. Mabait si Figaro, marunong siyang umupo, tumayo, magpanggap na patay at napapasaya ang kung sino man sa pamilya naming nalulungkot. Anim na taon niya kaming kasama at lahat ng pinagdaanan kong kalungkutan, siya ay naging saksi. Ngayong nababalot ng takot ang pakiramdam namin, nagawa nanaman niyang pagaangin ang loob ko.
Alas siyete ng gabi, matapos namin kumain ng pamilya, nagulat kami ng ang aming mga paa ay mabasa ng tubig.
Sabi ng aking ama, kailangan na naming umakyat sa bubong. Hindi na maisasalba ang aming mga gamit. Kapag hindi kami lumabas, lahat kami'y malulunod sa loob ng bahay namin.
Mahirap lumabas, at kailangang sirain ang bintana namin. Unang umakyat ang aking ama, sinundan ni nanay. Pinauna ko na rin ang dalawang nakababatang kapatid at ang katulong. Sa mga oras na iyon, hanggang tuhod na ang tubig sa amin. Hindi ako makapaniwala na sobrang taas aabutin ang baha sa amin. Ni minsan ay hindi umabot ng ganito kataas ang tubig ulan. Grabe talaga ang hagupit ni inang kalikasan.
Woof woof!!! Natatarantang tawag sa akin ni Figaro. Hindi mapakali ang aso ko, halatang hindi alam ang gagawin. Nakapatong siya sa lamesa na ilang minuto na lang ay maabot na ng tubig ulan.
Tinangka kong buhatin ang aso para iabot sa pamilya, ngunit sa sobrang laki nito ay hindi kakayaning kunin ito. Hindi na niya alam ang gagawin kundi tumahol sa akin para humingi ng tulong. Ayaw ko naman na ilabas siya at baka anurin ng agos ng baha. Napgatong patong na lang ako ng ilang lamesa para doon ipatong ang aso. Umaasang hindi ito mababasa kapag tumigil na ang bagyo.
"I'm sorry." ang tanging nasabi ko kay Figaro. Nilalamig na ako. Mabigat man sa loob, kailangan ko nang iwan ang aso para iligtas ang buhay ko. Kumakahol ang aso ko, at sa gitna ng ulan hindi ko mapigilang tumulo ang luha.
"Kuya, si Figaro?" tanong sa akin ng bunso.
"I'm sorry." lang ang kayang sabihin ng puso ko.
Naririnig ko ang mga kahol ng aso ko. Umuungol. Umiiyak. Lahat kami umiiyak. Hindi dahil sa wala na ang mga gamit namin, kundi para sa aso naming wala kaming magawa para tulungan siya. Si Figaro na hindi nagsawang pakinggan ang mga problema namin. Na walang sawang pagaanin ang loob namin.
Walang tigil ang tahol ng aso namin.
Isang mahabang ungol.
Alas diyes ng gabi, tanging galit na galit na pag-agos ng tubig na lang ang naririnig namin. Nanlalamig. Nanlulumo. Nalulungkot. Ito ang pinakamahabang gabi ng buhay namin.
**************
Hindi lang tahanan at buhay ng tao ang nawala matapos dumaan ang bagyong Ondoy. Sa lahat ng pamilya ng mga nasawi, nawalan ng tahanan at ng mga mahal sa buhay, iniaalay namin ang aming mga panalangin.
Photoshoot 101
4 hours ago
