Mga Sumasampalataya

Jul 30, 2013

MCDONALD'S TVC

Tanghali.

Mahaba ang pila sa McDonald's.

Isang ama nakaupo sa tapat ng manliligaw ng kanyang anak.

TATAY: Alam mo hijo, si militar, natuto akong magbasa ng mga tao. Kaya kong alamin kung nagsisinungaling ang kausap ko o hindi.

Mapapalunok ang manliligaw. Ngiti lamang ang naisagot sa ama ng nililigawan.

TATAY: Sagutin mo ako. Gusto mo ba ang anak ko?

Titingin ang ama sa likod ng manliligaw. Sa isang babaeng may kasamang bata. 

MANLILIGAW: (Sasagot ng may paninindigan) Opo gusto ko po.

TATAY:  Tanggap mo kung sino at kung ano ang meron siya.

MANLILIGAW: Tatango at magsasabi ng "Opo."

TATAY: Hindi mo lolokohin ang anak ko?

MANLILIGAW: Hindi po.

TATAY: Mapapanindigan mo ba siya?

MANLILIGAW: Yes sir!

Darating ang anak na babae na may dala ng order nila at tatabi sa kanyang ama.

BABAE: Dad, here's your favorite... Quarter Pounder.

Mapapangiti ang ama. 

TATAY: Well hijo, in that case... I give you permission...

May parating na lalake.

TATAY: To date my son.

Mapapangiti ang manliligaw. Sabay darating ang lalaki, uupo sa kanyang tabi at ibibigay ang inorder na Big Mac.

ANAK: What's that all about? (may pagtatakang tanong ng anak)

Isang malaking ngiti ang ibibigay ng isa pang lalaki.

M

*****************************************************************
Kathang isip lamang. Nadala lang ng commercial ng McDo. Noong isang araw ko pa ito naisip, ngayon ko lang naisulat.

Kailan kaya magkakaroon ng ganitong ads dito sa Pilipinas?

Jul 12, 2013

PAGDATING SA TRABAHO

Nais ko lang ilabas... baka sakali makatulog ako pagkatapos.

Mga bagay na natutunan ko sa sampung taon ko sa trabaho.


  • Kapag ang teammate mo ay medyo nahuhuli sa mga trabaho, imbes na mag-ipon ng ebidensya para ma-escalate ang taong ito, subukan mong saluhin ang trabaho. Minsan baka kaya nakakaligtaan ito ay dahil subsob na ang teammate mo sa dami ng kanyang inaasikaso.
  • Kung sakaling may sama ka ng loob sa katrabaho mo, one time big time kausapin mo to. Baka sakali lang magbago. Wag mo syang sisiraan sa ibang katrabaho niyo. Hindi produktibo kung lahat ng tao galit sa kanya kahit wala namang kasalanan ito dun sa ibang tao.
  • Sa pagkakataon naman na ang isang myembro ng team mo ay hindi na nakakatulong sa inyo dahil sa isang bagay lang nakatutok, imbes na punahin ninyo yung pagkukulang niya sa team ninyo, subukan niyong mag-alok ng tulong. Minsan may mga taong nahihiya talagang humingi ng tulong kahit kailangan niya ito.
  • Kung sakaling dumating ang panahon na nabulyawan ang isang myembro ng team ng ibang departamento sa kumpanya ninyo dahil napabayaan ito. Hindi tama na pagtawanan at sabihing buti nga sa'yo.
  • Kung puros ka reklamo pero nung bigyan ka ng pagkakataon na gawin ang trabaho ng nirereklamo mo, gawin mo to. Kung ayaw mo dahil ayaw mong sumakit din ang ulo mo, wag kang magreklamo.
  • Kung pupunahin mo ang kateam mo dahil sa oras ng trabaho ay natutulog siya, nanunuod ng dinownload na palabas sa tv o pelikula, siguraduhin mong hindi ibabalik sa'yo yung mga paratang mo.
  • Tanggapin na hindi lahat ng tao ay kayang maging robot na trabaho lang ang gagawin sa opisina. Minsan kailangan ding magpahinga. Minsan kailangan mag-internet, magcandy crush o kaya magbabad sa telepono. Ang importante, pagkatapos ng araw, nagawa na nito ang lahat ng dapat niyang trabaho.
  • Mag-ingat sa mga Negatron. Nakakahawa ito.
  • Kapag ang isang tao ay nagkamali, umamin sa pagkukulang, humingi ng paumanhin at pilit tinama ang pagkukulang niya.... mag move on na kayo. Tapos na dapat ang issue. Past is past. Hindi ka liligaya kung nabubuhay ka na nakikita mo lang sa isang tao ay ang kakulangan nito. 
  • Kung pag-uusapan at hihiritan niyo ang mga kamiyembro niyo na hindi niyo gusto, siguraduhin niyo na di malalaman ng pinag-uusapan niyo yung mga sinasabi niyo. Darating ang panahon na kayo rin ang pag-uusapan na gaya ng ginagawa ninyo. At kung ano mang baho ang nasabi niyo sa isang tao maaaring bumalik din sa inyo. 
  • May mga tao na kaya nagtityaga sa mga taong negatibo ay dahil mahal nila ang trabaho nila. Kung sakaling dumating ang panahon na mawala ang pagmamahal nila sa ginagawa nila, hindi sila ang dapat sisihin kundi kayo. May mali sa pagpapalaki sa inyo ng magulang niyo.
  • Kung may ituturing kayong kaibigan sa trabaho, yun ay ang mga taong sa harap mo sasabihin ang maling ginagawa mo at tutulungan ka na magbago. Hindi yung mga katsismisan ninyo na pagdating ng panahon na kailangan niyo ng tulong, ay silang mauunang humahatak pababa sa inyo.
Ang tanda ko na. Isang dekada na pala akong empleyado.

Pero marami pa rin kailangang matutunan.