Nagsimula akong makaramdam noong bata pa ako.
Noong buhay pa ang pinsan ko, madalas siyang nanggugulat. Tatalon sa kama namin sabay mangingiliti. Mang-aasar lang. Namatay siya dahil nahulog sa condo unit na tinitirahan nila ng kapatid niya.
Ilang araw makalipas nang siya ay ilibing, madalas na siyang nagpaparamdam. Minsan, habang nanunuod ako ng tv, bigla na lang lulubog ang kama ko, na para bang may tumalon. Tapos, minsan habang pinipilit kong matulog, bigla na lang parang may tumatabi sa akin. Hindi ko nakikita, pero alam kong yun yung kuya ko, nagbabantay sakin.
**********
Bakasyon noong hayskul ako, at nagbababad sa telepono nang hatinggabi. Kausap ko ang kaklase ko, at nakikibalita sa mga kaganapan sa buhay-buhay nito.
Dahil hindi naman talaga ako makwento, tahimik lang ako na nakikinig sa mga pinuntahan ng kaibigan nang nagdaang linggo.
Gising na gising pa ako, at mulat sa lahat ng nangyayari sa paligid nang biglang hindi lang iisa ang naririnig kong nagsasalita. Sa kabilang tenga ko, may bumubulong ng kung anu-ano na hindi ko naiintindihan. Nanginig ako, at nabagsak ang telepono. Walang tao sa paligid.
Nang itanong ko sa kaklase kung may narinig siya, wala raw. Baka daw nakatulog lang ako. Pero alam kong gising na gising ako.
**********
Isang linggo pa lang akong natutulog sa bagong kwarto ko sa bagong bahay namin. Isang gabi, nanaginip ako ng masama.
Pilit kong ginigising ang sarili ko. Alam kong gising na ako, ang kulang na lang ay imulat ang mata, pero hindi ko magawa. Nararamdaman kong may nakapatong sa akin at pinipigilan akong bumangon at gumising. Alam kong madilim, pero may naaaninagan akong anino ng bata na hinihila ang mga paa at kamay kong pataas. Pero nakaupo siya sa dibdib ko. Naririnig ko yung batang tumatawa.
Nagsimula akong magdasal ng Ama Namin. Ang bigat ng mata ko, pero salamat sa Diyos, naibuka ko ito.
Malakas ang bentilador, at malamig ang panahon, pero basang-basa ako ng pawis.
**********
Sa kwarto ng Tita ko madalas ako matulog kapag tag-init dahil yun lang yung kwartong may aircon.
Minsan, nagigising ako ng madaling araw dahil maingay sa labas ng bintana ko. Ang harap ng kwarto nila ay terrace.
Madalas akong nakakarinig ng mga batang naghahabulan sa labas ng bintana namin. Ni minsan, eh inisip kong kapitbahay lang ang mga ito, dahil kahit bakasyon, walang matinong bata ang maglalaro ng habulan alasdos ng madaling araw.
Hindi na ako bumabangon, at pinapatugtog ko na lang ang radyo ng telepono ko nang hindi na marinig ang mga bata sa labas ng bahay ko.
**********
Hindi ako nakakakita ng multo, at ni minsan hindi ko pinapangarap na makakita nito. Wala akong balak. Wala akong lakas-ng-loob. Pero minsan, sa gilid ng mata ko, may nakikita akong mga aninong gumagalaw, kahit ako lang mag-isa sa bahay.
Sabihin man nating hindi ako naniniwala sa mga multo, sadyang meron talagang mga bagay na magbibigay ng dahilan upang tayo ay magdalawang-isip.
Happy Halloween!!!