Mga Sumasampalataya

Jul 12, 2011

INSPIRADO

Bilang may-ari ng isang personal na blog, mayroong mga bagay tungkol sa ating buhay na nais natin na ibahagi sa mga nagbabasa sa atin. Itong post na ito ay naisulat ko kanina sa isa kong tahanan at nais kong ibahagi din sa ilan-ilang napapagawi dito.

**************
May isang buwan na ang nakakaraan ako ay nagtungo para kunin ang aking ikatlong Annual Physical Exam. Kailangan ko sa trabaho ito dahil kung hindi, pagbabawalan akong pumasok sa loob ng aming opisina.

Normal naman yung mga pinagdaanan ko. Kukunin yung dugo. Sample ng ihi. Ng dumi. ECG. AIDS test. Yung pinaghuhubad ka ng doktor para malaman kung gaano kalaki yung putotoy mo.

Gaya ng sabi ko, normal lang yung araw na yun. Dapat normal lang. Pero iyon yung araw na pinakaayaw kong dumating. Iyon kasi yung araw na ako ay titimbangin.

Matagal-tagal na rin nung huli kong nakita ang bigat ko. Nakakadismaya. Alam ko kasi at di ko tinatanggi na nitong mga nakalipas na buwan ay napapabayaan ko ang aking sarili. Pero kailangan kong harapin. Kailangan kong tanggapin na yung nag-iisang goal ko na pumayat ngayong taon ay hindi ko matutupad.

Nanlaki ang aking mata nang makita ko ang numerong tumambad sa timbangan. 201 pounds.

Hindi ako gaanong katangkaran kaya nung nakita ko ang numero, alam kong wala na ako sa kategorya ng chubby o stocky. Malapit na o marahil maaari na akong tawaging OBESE. Baboy.

Matagal ko nanamang alam yan. Hindi ko na maisuot ang medyas ko sa aking paa. Ang hirap nang abutin yung mga kuko ko sa paa pag ginugupitan ko ito. Hindi ko na maisara ang butones ng aking mga pantalon. Kalahati ng mga damit ko ay hindi na kasya sa akin. Tuwing tinataas ko ang aking mga braso,  nagmumukha akong si Nutty Professor. Hindi na ako makatingin sa salamin. Pagkagaling namin sa Boracay, in-untag ko ang sarili ko sa karamihan ng mga litratong pinost sa wall ko. Ayoko nang magpapicture dahil dalawa na ang baba ko.

Baboy na talaga ako, at hindi ko matanggap ito.

************************** 
Sa totoo lang, bago ko nalaman yung bigat ko, wala naman ako masyadong pakialam kung tumaba ako. Tanggap naman kasi ni Kasintahan kung ano ako. Madalas pa nga, ako pinapakain niya ng mga tira niya. Parang kaning baboy lang talaga.

At mas lalo na sa bahay. Noon, sa tuwing sasabihin kong magpapapayat ako, dun magsisimulang maghanda ang mga magulang ko ng mga ulam na gusto ko. Kaldereta. Pork Steak. Carbonara. Yang Chow Fried Rice. Beef with Mushroom.

Sinasabotahe nila ang mga plano ko.

Sa opisina naman ay mas malala.Simula nang lumipat ako ng team sa kumpanyang pinagsisilbihan ko, walang araw sa isang linggo na hindi ako lumamon. Army Navy burgers, Amber's, Chickboy, Mercatto, Banchetto, Salcedo Market, Yellow Cab, Jollibee, 2 piece Mini Stop chicken, McDonald's, KFC, lahat ng pagkaing mayaman sa sebo at kulesterol ay pinatulan ko.

Bumili nga ako ng Kinect noong simula ng taon, pero matapos ng birthday party ko ay hindi ko na iyon ulit nabuksan. Limang buwan na siyang nakatengga sa aming sala. Inaalikabok at kinalimutan.

************************** 
Nagcrash diet ako ilang araw matapos kong dibdibin ang laki ng tinaba ko. Tuwing nagugutom ako, aakyat ako sa kwarto at matutulog para lang malimutan ang gutom ko. Tubig lang ang tinutungga ko. Tinigilan ko ang mga pang-aakit ng kanin. Alam kong hindi healthy ang ginawa ko, pero kailangan kong may simulan.

Nang may nangyari na sa mga pinaggagagawa ko, unti-unti ay binalikan ko ang pagkain. Tinigilan ko ang pagkain ng tsokolate sa umaga, tanghali at gabi. Sobrang bawas na ang kinakain kong kanin. Kumakain na ako ng saging at umiinom ng mga fruit smoothies. Madalas ko pa ring pampabusog ang tubig.

May isang buwan ding tinigilan ang pag-order ng pizza (noon ay halos linggo-linggo). Medyo umiwas na rin ako sa aking mga kaopisina pag kumakain sila sa labas.  At kung may mga araw na natutukso akong kumain sa McDonald's, pancake na lang ang nilalantakan ko at di na longanisa meal with sausage mcmuffin (kung tutuusin dapat tinitigilan ko na sila dahil ang mamahal naman ng pagkain nila pero ang liit liit naman ng servings).

Ilang araw lang matapos noon ay nakayanan ko ang mabuhay sa isang araw nang walang kaning pumapasok sa aking tyan. Naging disiplinado ako. Di na ako kumakain bago matulog. Pinagbibigyan ko naman ang sarili ko pagdating sa mga pagkaing gusto ko. Kapag Sabado at Linggo, tumitikim naman ako ng pizza at ice cream. Ang sa akin lang, kung lalo kong pipigilan ang tukso, mas lalong lalapit ito.

************************** 
Nakakatuwang isipin na yung mga ginawa ko noong nakaraang buwan ay may nagiging bunga naman. Mangilang beses na akong nasasabihan na pumapayat ako. Noong isang linggo, naisuot ko muli yung ilang polo ko na sobrang tagal ko nang hindi nagagamit (medyo makati na nga siya sa katawan). Napapatingin na rin ako sa sarili ko pag dumadaan ako sa salamin.

Kahapon ng umaga, isang buwan pagkatapos ng aking APE, nagtimbang muli ako. Napangiti. 21 pounds ang nawala sa akin.

Sa totoo, malayu-layo pa ang lalakbayin ko para makuha yung hinahangad na timbang. Marami pa akong dapat gawin. Di lang sa pagdidiyeta nakasalalay ang aking pagpayat.

Sinusulat ko ito para may magpaalala sakin kung dumating ang panahon na sumuko nanaman ako. Para maalala ko na nagawa ko ito. Nakayanan ko. At hindi dapat ako agad bumigay. Ibabalik ko ang katawan ko noong nag-aaral pa ako sa kolehiyo.

Kaninang hapon, noong nagbibihis ako papasok. Sinubukan kong isara ang butones ng pantalon ko.

Sa unang pagkakataon matapos ang napakatagal na panahon, naisara ko ito.

Ang sarap ng pakiramdam.

17 comments:

-=K=- said...

Yehey! That's a good start :) Congrats at nasuot mo na yung pantalon mo dati. Alam mo ganyan din ginagawa ko. I always keep one or two maong pants when I was still in college and if I feel fat, I try them on to see if they still fit. Ginagawa ko silang gauge, ehehehe. Mag Kinect ka na ule para pawisan! It's not about being slim, it's about being healthy. Kaya mo yan, gow! :)

The Gasoline Dude™ said...

IKAW NA! Kaka-inspire naman. Gusto ko ding mag-lose ng 20+ pounds. :(

Rah said...

Natry mo na ba magjogging sa umaga or gabi? Nagwork yon sa friend ko, baka magwork din for you. Tsaka tama, iwas nlang muna sa matamis.

MysLykeMeeh said...

Hey...you can do it!

MysLykeMeeh said...

But, you should at least eat once a day. Without meal a day would make make you suffer. Maybe not now but in the coming days!

L said...

good job, pre! at least, nakikita mong may improvement sa ginagawa mo, di ba? kung nabibigatan ka pa sa timbang mo, bigay mo na lang sakin 'yung ilang kilo. gawd knows how much mass i'd die to have. XD

domjullian said...

Congrats!

Chyng said...

teach me how to lose weight! konti nalang mawawala nako sa kategoryang "SLIM"!!!


btw, totoo yung AIDS test?
diba tawag jan ELISA?

MG said...

hahaha meron din akong experience pag kasara ko sa fitted kong pantalon eh biglang buwalwak at nasira ang butones.. pinilit ko pa kasi. nyahahahaha. nwei madali lang nmn talga mag bawas ng timbang sir gillboard. hehe...

-kikilabotz

YOW said...

Wow. E di rakenrol. Haha. Ang husay. Kaya lang medyo masama nga yung totally walang kinakain. Straving won't help you sabi nga, magdiet ka na nga lang Kuya Gibo tapos kung may oras samahan mo ng ehersisyo. Di ka lang babalik sa dating katawan mo, magiging hunk ka pa. Hahaha.

escape said...

Iyon kasi yung araw na ako ay titimbangin. >>> hahaha... kala ko yung AIDS test. 201pounds! medyo mabigat na nga.

just recently we also had our APE and i didnt know na yung papahubad pala yung test na yon.

from 2years hindi na ginagawa sa amin yung papahubad.

Unknown said...

Congrats sa 21 lbs! Achievement na yan. Ipagpatuloy lang. Basta don't starve yourself.

Anonymous said...

Kaya dapat ka nang magpakalbo! :)

caloy said...

ako rin. gusto ko na magpapayat. sabi ng mga officemates ko, mukha na raw akong halimaw. :((

Klet Makulet said...

namiss ko ang magpost ng comment sa blog mo. And nagkataon na usapang timbang nanaman ang naabutan ko. Congrats sa atin. Pareho tayo ng nararamdaman, bawas na din ang timbang ko, hindi dahil sa diet kundi sa stress, pagod at puyat sa bagong trabaho pero yun nga, at least hindi na natin kailangan na sumali sa Biggest Loser para lang mabawasan ang timbang natin. Sana lang tuloy tuloy na to :)

Raft3r said...

wow naman dyan!
good for you!
(but let's not starve to death, ok?)

Anonymous said...

congrats talaga chong...