Aug 29, 2011

ANO BA ANG BAGO

Dahil si Gillboard ay:

Inggitero

Feelingero

Mahilig makisali sa uso

Medyo uto-uto

Kuripot

Kaya nang ma-offeran ng bagong mapagkakagastusan, hindi na ito nagdalawang-isip. Sayang ang payment terms.

Gusto niya kasing pag sinabing Gillboard, ang masasabi ng mga tao:

Blogger

Gas Boy

Taong Grasa

Maginoo

Gwapo

Pumayat ng todo

at ngayon... Photographer pa.



Kailangan nga lang maging praktisado

Naku, mukhang mamumulubi na ako

Aug 22, 2011

ONLINE LOVE AFFAIR


I was asked by a colleague who knows that I'm an active blogger if it is possible for a person to fall in love just reading the works of others here in the blogosphere. I think she wants to use this as a means for her to find true love.


I immediately said yes. It is possible. I remember one time I wrote about my imperfections and there was someone brave enough to ask me out on a date. It turns out the reader found me interesting. But I did not reply. The blogger was not my type.


Let's face it, this world is full of really talented writers, creative poets, romantics and uber cheesy bloggers. At one point or another, you'll find him or her attractive. Maybe not physically. But intellectually you find yourself fascinated and interested in the person behind the written works.


Idealistic as it may seem there have been a number of bloggers who met and fell in love with fellow bloggers. Now, whether they'll stay together or not, that's the question.


But it is possible to be attracted with just the writer's words. If you ask me, I could name a few people in the blogosphere (not just on my bloglist here) that I'm attracted to intellectually. I like the way they write. I love their wordplays. I'm at awe with their wit and I'm spellbound by their stories. It's sort of a crush on a different level.


I've only met a few of them personally, and other than exchanging comments here and there, we have no other means of communicating with each other.


Realistically speaking, I don't dwell too much on these crushes. I know most of the time, people who write under pseudonyms don't necessarily reflect who they really are in person. Sometimes a blog is just a way for a writer to become what he or she wants to be. When in real life they're far from what they say they are on their works.


This medium is still young. Alot has yet to happen. If history taught us one important lesson is that nothing really is impossible. 

But for bloggers, apart from enjoying the benefits of writing, finding the one in this medium is just the icing on the cake.

Aug 18, 2011

MAY MAIKUWENTO LANG

Dahil malapit nang umalis ng bansa si Paris Hilton, naisip kong magsulat ng something na may kinalaman sa kanya. Kaya ang post na ito ay tungkol sa mga bus. Sa pagcocommute ko.

Nung huling post ko naikwento ko si Ateng "What's the fuck?!" Nagulat lang ako't mabilis akong nakaencounter ulit ng kwentong bus. Yung iba dito repost ko na lang, mula sa kaluma-lumaang mga post ko pandagdag lang.

Kelangan ko lang itong isulat ngayon kasi baka makalimutan ko, magandang mailathala na siya ngayon habang fresh pa sa isip ko yung mga nangyari kanina habang papauwi ako.

***********************
Kanina pauwi ako ay napasakay ako sa bus. Dahil medyo puno na ito, sa may bandang likuran na ako umupo. Dalawa lang kami ni kuya ang nakaupo dun.

Si kuya, mukhang galing construction lang. Medyo nanlilimahid. May konting amoy, pero tolerable naman. Sa totoo lang, wala naman talagang pakialaman pagdating sa biyahe. As long as hindi ako naiistorbo, okay lang ako.

Habang binabaybay namin ang Buendia, dumating si Manong Konduktor (MK) para maningil ng pamasahe. Buo ang pera ko, kaya wala na akong sukli habang si Kuyang Construction (KC) naman ay bente ang binayad.

Sosyalin yung bus, EFTPOS yung ticket, di na nila kelangan magsuot ng condom sa daliri para mapunit ang mga ito. Demakina na siya. Ang siste nga lang, kulang ang sukli ni MK kay KC. Kung sasakay ka ng Ayala pa-Baclaran dose lang ang isisingil sa'yo.

Medyo nahirapan ata magbilang si KC kasi medyo matagal niya narealize na apat na piso lang yung sukli sa kanya (oo nakialam ako, binilang ko yung barya niya). Dahil nga slow, medyo nakalayo na si MK samin. Kaya tawag naman si KC.

"Kuya."

Dedma.

"Kuya!"

Wala pa rin.

"KUYA!!!"

Di pa rin pinanain.

Nafrustrate na si KC, kaya bigla itong nagsabi. "Eeewww!! Eeewww!! Eeeww!!" na para bang tumatawag ng ibon o diwata.

Eto ang punchline, saka lang lumingon si MK sa kanya. Bigla akong lipat ng upuan dahil di kinaya ng powers ko. Kung nakainom ako ng tubig nung panahong iyon, malamang lumabas na sa ilong ko iyon.

***********************
Noong panahong sa Ortigas pa ako nagtatrabaho, may mga araw na inaabot ng dalawang oras ang byahe ko pauwi. Minsan dahil sa  pagod o kaya'y sa stress, imbis na magngitngit ako sa galit dahil sa trapik, ay natutulog na lang ako.

Summer nun Ate Charo. Tanghaling tapat. Mainit. Matao. Kaya namili ako ng bus na sasakyan ko. Gusto ko yung medyo bago dahil malakas ang aircon nito.

Malas ko lang at di lang ako ang nakaisip ng ganun. Dun sa nasakyan kong bus, medyo punuan. Swerte naman dahil nakaupo pa rin ako.

Dala na siguro ng pagod Ate Charo, nakatulog ako. Ng Mahimbing. Yung tipong tulo laway. Di katagalan may kumalabit sa akin.

Iritable, tiningnan ko ng masama yung gumising sakin. Yung konduktor. Naniningil. "May tiket na kayo ng boypren mo?" sabi sakin ni Manong Konduktor. Ang bilis ng pangyayari Charo, naramdaman ko na lang may tumulak sa ulo ko paitaas. Nakasandal pa pala ang ulo ko sa balikat ng katabi ko.

Hiyang-hiya ako nun, pinagtitinginan kami ng mga katabi namin. Pinagchichismisan. Napalingon ako sa katabi ko, at nagsorry. Okay lang daw. Alam ko nakatulog din yun dahil ramdam kong nakapatong ang ulo niya sa ulo ko. Para lang talaga kaming magsyota.

Ngayong naaalala ko yung nangyari, naisip ko mukhang bagay din naman kami nung katabi ko. Tisoy siya, gwapo naman ako. Kaya siguro kami napagkamalan ni Manong Konduktor.

***********************
Huli na 'to.

Meron talagang mga tao na insensitive pagdating sa bus. Yung tipong alam mo nang mataba si Ate pero sa di siya umuusog sa upuan. Gusto niyang yung huling uupo ay dun sa gitna (pag tatluhan) o sa may bintana (pag dalawahan) ang pupuwestuhan.

Isang gabi, may nakasabay akong Ms. Insensitive (MI) na nakakilala ng katapat niya.

Sa Baclaran, may mga bus na masiba at naghihintay na mapuno ang sasakyan bago lumarga. Maarte nga ako pagdating sa mga bus, at dahil maaga naman  ako pumapasok, ayos lang na maghintay ako basta kompurtable ang nasakyan ko. Sa may dalawahan ako palagi umuupo.

Sa tapat ko ay isang dambuhalang MI. As in may katabaan talaga si Ate. Mga tipong babaeng kasize ni Chokoleit. At dahil feeling ko ay call center girl si ate, may pagkamaarte din ito. Dahil siguro mukhang nakakatakot si MI at hindi siya talaga gumagalaw sa pwesto niya sa dulo ng tatluhang upuan (di sa bintana, sa may gitna) walang naglalakas loob na tumabi sa kanya.

Sakto nung mapupuno na ang bus, may dumating na magkasintahan. Dahil gusto siguro nilang magkatabi at halos puno na yung sasakyan, wala na silang choice kundi tabihan si MI. Eh nagmamatigas ang hitad, di gumagalaw, sumideview lang para makadaan yung babae.

Eh hindi kasya si girlfriend, nagtitinginan lang sila, si girlfriend hoping na umusog si MI. Pero matigas pa rin. Ayaw gumalaw. Napikon si boyfriend at biglang sumigaw "EH TANGINA AYAW MO UMUSOG ANG TABA MO NAMAN!!!" sabay hila sa kasintahan at bumaba sila sa sasakyan.

Ikaw ba naman, makarinig ka ng ganyan, hindi ka ba matatawa? Ako mababaw lang ako kaya di ko talaga napigilan. Pagtingin ko  sa tabi ko kay MI. Nakatingin ito ng masama sakin. Nanlilisik ang mata. Napikon siya dun sa sinabi ni kuya, pero mas napikon ata siya kasi natawa ako.

Napatingin ako bigla sa bintana nun. Takot ko lang baka upuan ako nun. Payat pa naman ako noong mga panahon na iyon.

Ang uncomfortable nung ride na yun. Feeling ko naririnig ko si ate bumubulong ng mga dasal ng mga mangkukulam sa tabi ko.

***********************
Sa mga naliligaw sa tahanan kong ito, kung nagugustuhan niyo po ang mga kwento ko, paki-like naman yung Facebook Page ko. Di ako normally magrerequest sa inyo, pero natutuwa lang talaga ako dahil ngayon lampas 100 na ang mga kasapi nito.

Salamat pala sa mga sumali at nag-like na! Nakakapagpataba kayo ng pumapayat kong puso.


Aug 15, 2011

CHOOSY AKO MAY REKLAMO

Sa totoo lang, pasensyoso ako. Hindi ako iritable. Hindi ako madaling mainis. Pero tao lang ako. Minsan madaling mapikon. Minsan kahit walang dahilan, may kaiinisan. Gaya na lang ng mga ito. Tao nga ako, hindi ako santo. Meron talagang mga bagay na nagbibigay ng dahilan para sakin na magtaas ng kilay.

Hindi ako perpekto, pero ayaw ko talaga sa mga ito...

FEELING CONIO
Papasok sa opisina, sa schedule ko, hindi mo talaga maiiwasang may makasabay na mga Call Center people. Ito ang nangungunang source para sakin ng mga taong feeling conio. Naiintindihan kong sa mga call center, uso ang English Only Policy. Pero sana nilalagay sa lugar. Magaling ang tenga kong maka-spot ng tunay na conio at nagkuconio-coniohan.

Gaya ng nakasabay ko sa bus, nung isang linggo. Dalawang babae, medyo maingay na nagkukwentuhan. English. Eh may bumangga kay ate nang hindi sinasadya. Biglang napasigaw si ate, "What's the fuck?!"

Naman. Alam na!!!

GRAMMAR / SPELLING NAZI AKO
Hindi naman ito sa lahat. Naiintindihan ko na nakakalito ang Grammar, yung mga subject-verb agreement. Kahit ako, hirap dito. Kaya nga tagalog ang blog na ito. Medyo mahilig ako sa redundant words. 

Anyway, ang mga kinaaasaran kong mga bobo sa grammar ay yung mga mas nakakaangat sa akin. Sa trabaho at mas lalo na sa mga nag-aangat-angatan. Yun bang mga feeling magaling. Mga napromote lang akala mo na lobo sa laki ng ulo, pero pag nagsulat ng mga business letters ay walang-wala. Maeengganyo ka bang magtrabaho kung makakakuha ka ng sulat na gaya nito:

"Please take a look at the order. Indorsing this to your division."

FEELING CLOSE
Eto lang sa akin. Hindi ko naman nilalahat. Gaya nga ng sabi ko dati, oo judgemental ako. Pero kapag may isang tao na hindi ko pa masyadong kilala, at tinatawag akong "friend" ay lumalayo na ako. Yung tipo na kung kausap ako ay ganito sinasabi: "uy friend, halika dito tikman mo ito."

Hindi ko alam ha, sa akin lang 'to. Pero ang tingin ko sa mga taong ganun, medyo epal at hindi mapagkakatiwalaan. Ewan ko. Personal na opinyon lang naman ito. Feeling ko, susunod nilang sasabihin sa'yo "uy friend, pautang naman" o kaya "uy friend, bilhin mo na 'to, mura lang, kaluluwa mo lang kelangan mong ibayad."

Siguro nadala lang ako sa mga taong sinasabihan ako ng ganyan. Either nauutangan ako (at tinatakbuhan) o kaya'y nabebentahan ng mga bagay na di ko naman kailangan dahil napilit ako. Off lang talaga sakin ang nakakarinig ng ganun lalo na kung hindi ko naman friend.

Choosy kasi ako.

Kayo, anong ugali ang kinaiinisan ninyo?

Aug 9, 2011

PARANG HAYSKUL LANG

"Dali na kasi, pahawak na ng kamay," hiling ni Bert kay Adelle matapos isara ang pinto.

Hinila ng babae kamay palayo sa kasama.

"Asuuuuuuus, nagpapakadalagang pilipina ang sinta ko," tukso ng lalake.

"Yiiiii, may mga tao sa labas Bert baka marinig tayo," babala ni Adelle.

"Bakit ba matatanda na tayo Adelle. Wala ng pakialam yung mga yan kung anong gusto nating gawin. Wala na rin naman tayong mga magulang na magsusuway satin." Pilit nilalapit ng lalake ang mga labi sa babae.

"Anubaaaaa! Baka biglang bumukas yung pinto Bert," umiwas ang babae.

"Nakakandado na yang pinto, wag kang mag-alala," kinindatan ni Bert si Adelle.

"Sigurado ka?" tanong ng babae.

Tumayo si Adelle, dahan dahang lumapit sa pintuan at tiniyak na nakakandado nga ito. Pagtalikod niya'y biglang may humawak sa baywang niya. Niyakap ito ng mahigpit.

"Ano ba Bert, nakikiliti ako!!! Hihihihihi!" pilitin man ni Adelle ay hindi  maitago ang kilig.

Nagpupumigil man ang kapareha, alam ni Bert na nagugustuhan ni Adelle ang ginagawa niya. Hinalikan niya ito sa leeg. Hinalikan ng maraming beses habang nakakapit ito sa baywang. Alam ni Bert na wala nang kawala ang kapareha. Bibigay din siya.

"Bert!!! Tama na!! Hihihihi." hagikgik ng babae.

"Asuuuuuuus Adelle. Wag ka na magkunwari alam ko naman gusto mo 'to diba?" pinaliguan ni Bert ng maraming halik sa leeg ang kapareha.

Tok tok tok.

May kumatok sa pinto.

"Sino yan?" dismayadong tanong ni Bert.

"Looooloooo, inom na daw po kayo ng gamot ninyo sa rayuma!!!" sigaw ng isang bata sa kabila ng pintuan.

"O siya apo... Lalabas na." sagot ng matanda.

"Halika na Adelle, mamaya na lang ulit tayo magkulitan." kinuha ng matanda ang kamay ng asawa at sabay na lumabas at binati ang bata.

********************
Sinisipag akong magsulat ngayon. Hayaan niyo na, minsan lang ito.

TIMELINE

Engel's timeline after he created this blog two years ago.



August '09 - Started this second blog anonymously. Followed and got followed by other pink bloggers.



September '09 - Became fully engrossed in this home. Posted more regularly and got more regular readers and commenters.



October '09 - Not anonymous anymore. Met a blogger and after a day became his beau.



November '09 - Not a month after, they broke up.



December '09 - Because of the mess that was his lovelife, attempted to say goodbye. Took him a week to come back.



January '10 - Started flirting with other bloggers. Other bloggers started flirting back.



February '10 - Met 5 bloggers on his birthday. Had a huge crush upon meeting Lukayo, Johnny

Cursive and Maxwell.



March '10 - On his third day of making spontaneous decisions, decided to close down this blog... again.



April '10 - Took him three weeks this time to come back to writing. Courting the Kid more aggressively this time.



May '10 - Sex blogs started to grow. I blamed Soltero (just kidding). Oh, and Engel's not single anymore (seriously this time). Finally met birthday boy Nyl and Kane.



June '10 - Nothing much happened.



July '10 - Bought a Playstation 3 console.



August '10 - Started posting about relationship. Wrote about sex life. Wrote about sex. Fail!!! Iurico told me he hated me one time because he thought I did something. Got promoted.



September '10 - Makmak's dilemma with his "love life" reached a climax. Became constant companion during Thursday mass in St. Jude.



October '10 - Finally opened up about on the truth about an ex.



November '10 - The Kid started writing for this blog. Readers got a taste of the nosebleed. I guess except for Red the Mod and Kaloy. 6th lunaversary with the Kid.



December '10 - Met with alot of bloggers. Formed a huge crush on one that became his friend. Crush had to end. Still in love with the Kid.



January '11 - Met one anonymous blogger who Engel had a huge crush on since 2008. Finally put a face on that smiley he used to hide his face in when he posted pictures of himself. Gorgeous gorgeous man. Promised this will be the year he'll lose weight.



February '11 - Quiet birthday with blog friends. A schoolmate got killed by a couple of kids he met in Malate. Initial findings say robbery was motive. Mourned death by eating. Got promoted again.



March '11 - No blog posts. Writer's block. Probably know readers got tired of reading every single significant event in relationship that's been chronicled. Busied himself by eating more.



April '11 - Posts became seldom for both blogs. Gave other bloggers time to shine. Not updated anymore on happenings in blog world.



May '11 - Celebrated 1st year anniversary with Kid... separately. I had to attend to a friend's wedding in Boracay, and the Kid didn't have money to follow. Oh yeah, and friendship with a blogger friend ended because he groped my Kid.



June '11 - After not being able to look at his Boracay pictures, decided to finally start losing weight. Annual Physical Exam showed, he finally reached 200 lbs. Disgusted with himself.



July '11 - Lost 20 lbs!!! Celebrated by eating.



August '11 - Have not looked in the scales yet, but is already in the 170's range. 177 the last time I looked. Celebrated two years of Engel.



Happy blog birthday to me!!!

Aug 8, 2011

WALANG SPOILER: ANG BABAE SA SEPTIC TANK

Bibihira na lang yata ang mapapanuod mong pelikulang tagalog na makapagpapaaliw sa'yo.  Kung manunuod ka ngayon, puros romantic comedy na lang ang pagpipilian mo. Tatak ito na bumagsak na ang pelikulang Pilipino.

Sa mga indie films ka na lang yata makakakita ng mga kakaibang kwento. Pero kahit ang mga ito, ay maraming temang magkakatulad. Kung kwentong pag-ibig sa mainstream na mga pelikula, tungkol naman sa kahirapan o kaya nama'y kabaklaan ang sa mga indie.

Kaya minsan nakakawalang gana manuod ng pinoy na mga pelikula.

Pero minsan, may mga dumarating na direktor o manunulat na maghahatid ng isang pelikulang kakaiba. Hindi lang mamumulat ang iyong mga mata, pero sobrang maaaliw ka pa. Yan yung naramdaman ko nang mapanuod ko ang "Ang Babae Sa Septic Tank" ni Marlon Rivera.

Without getting to the specifics, isa itong parody kung paano gumawa ng isang indie movie. Kung tutuusin, wala siya talagang kungkretong kwento. Kung meron man, tungkol ito kung paano in-imagine ng direktor, producer at production assistant ang kanilang obrang pinamagatang "Walang Wala" na pagbibidahan ni Eugene Domingo.

Ang husay. Sa totoo lang, ito lang ang masasabi ko tungkol sa pelikula. Henyo ang pagkakasulat nito. At sobrang galing ng bidang si Eugene Domingo. Bagay nga na nakuha niya yung award bilang pinakamahusay na aktres para sa pelikulang ito. Sumakit ang tyan ko.

Ang pinakapaborito kong eksena eh yung part kung saan in-imagine nila kung paano ang magiging hitsura ng pelikula kung ibang artista ang gumanap nito. Dito ako sobrang napahanga sa pelikula. Napaka-creative. Mapapabilib ka sa husay ng imahinasyon ng nagsulat (Chris Martinez) at nagdirehe nito.  Di ko na sasabihin kung sino-sino ang mga artistang nagcameo pero kaabang-abang ito. At dito mo marerealize na bagay nga talaga si Eugene para dito.

Ang dami kong natutunan sa pelikulang ito. Ang tatlong klase ng pag-arte (ito yata ang pinagbasehan ng pagkapanalo ni Eugene). Meron din akong natutunan sa paggawa ng pelikula gaya ng "the shakier the camera, the better the film." 

Sobrang tumatak din ang ilang bida sa pelikula, sina JM de Guzman at Kean Cipriano ay magaling din. Kahit yung Production Assistant, kahit wala siyang linya, ay mapapansin mo din. Ang paborito ko yung kupal na direktor na kinaaasaran nila. Dun sa eksenang yun yata muntik nakong mapautot sa kakatawa.

Kung meron man akong pupunahin, dun lang siguro sa musical number ng pelikula. Masyado siyang humaba.

Pero all in all, mataas ang marka para sa akin ang pelikulang ito. Hindi man ito yung tipo ng pelikulang pwedeng ipanglaban sa mga international film festivals (ika nga ni Kasintahan masyado kasi siyang rooted sa Philippine Culture kaya baka di ito magets ng mga banyaga) ay sulit naman ang ibabayad mo dito. Kalaban man nito ngayon sa sinehan ang mga pelikulang Rise of the Planet of the Apes, Harry Potter at Captain America, ito muna umpisahan ninyo.

PAALALA LANG: MINSAN NA LANG PO TAYO MAGKAROON NG MATINONG PELIKULA, SANA SUPORTAHAN NIYO NAMAN AT WAG MAMIRATA!!!
RATING: 9.5 out of 10

Aug 3, 2011

KWENTONG MRT

Isang gabi, pauwi ako sa bahay namin sa katimugan ng syudad, sumakay ako sa huling byahe ng MRT. Ayokong magbus dahil nakakatakot maglakad sa Cubao. Mga mandurukot dun kahit mukhang dukha na gaya ko ay pinapatulan at ninanakawan. At ang tagal ng byahe. Mabilis at safe sa MRT para sakin.

Maluwag ang mga huling byahe. Tuwang tuwa ako nun dahil maraming bakanteng upuan. Hindi siksikan. Hindi ako mahihipuan.

Pagdating namin ng Santolan, may isang mama ang pumasok. At sa hindi maipaliwanag na dahilan, sa kabila ng kaluwagan ng tren at dami ng bakanteng upuan, si kuya ay tumayo sa harap ko.  Mukha siyang macho dancer. Naaalala ko nakaitim na see-through na sleeveless shirt siya. Amoy pinaghalong Safeguard at baby powder. Oo, ako na ang judgemental.

Natatakot akong tingnan siya. Baka ano ang gawin sakin. Sino ba namang matinong tao ang tatayo sa harap mo kahit na maluwag ang tren? Yung mga may masasamang intensyon lang, sa isip-isip ko.

Dumaan ang Ortigas, ang EDSA Central, maraming nagbababaan. Lalong lumuluwag, pero si Kuya di natitinag, parang rebultong nakatayo sa aking harapan. Natatakot akong tingnan siya baka kung ano ang isipin ni Kuya.

Pero isang saglit ay ako'y napasulyap sa kanya. Nagkita kami ng mata sa mata.

Mukhang may balak nga si kuya, dahil hindi niyia pinalampas ang pagkakataong iyon. Nang ako'y nakita niyang tumingin sa kanya, ako'y nginusuan niya. Shet, gusto niya ba akong halikan?! Mukha ba akong bading? Mukha ba akong pumapatol sa mga nakikilala ko sa tren na amoy Safeguard at baby powder?!

Walang takot, pinakita ng mukha kong nandidiri ako sa ginagawa niya.  Pero matigas si Kuya, nginusuan niya ako ulit. At sa pagkakataong ito, nakaturo ang nguso niya sa pagkalalaki ko.

Kahit anong angas mo, gawan ka ng ganun ni kuya, at hindi ka lasing, matatakot ka. Mabilis na lumipat ako ng upuan. Nakakakilabot na.

Pagdating ng Ayala Station, halos wala na talagang mga tao. Sampu na lang siguro kami dun. Tumabi sa akin si Kuya.

Pinagpapawisan ako. Gusto ko magwala sa loob ng tren. Pero natatakot ako, mas malaki katawan niya.

Linapit niya ang mukha niya sakin at bumulong, "bukas zipper mo at butas brief mo."

Nginitian niya ako at bumaba ng Magallanes.

Ahhhh yun pala ang tinuturo ni Kuya.

Akala ko pa naman ang pogi ko na.

Yun lang pala.