Aug 21, 2012

BLOG LIFE CYCLE

STAGE 1: DISCOVERY
Maaaring bored ka, naghahanap sa google ng mga kwentong bastos o kaya'y kwentong nakakatakot. Napadpad sa isang blog. Nagbasa. Natuwa. Napaclick ng link sa ibang blog. Natawa. Naaliw. Nainggit. Naisip na kaya ko rin magsulat ng ganyan.

STAGE 2: CREATION
Nadiscover na pwedeng iclick ang B sa Blogger o W sa Wordpress. Nag-isip ng magandang title. Dinisenyuhan ang blog. Nagsulat ng unang post. Naghintay ng may magbabasa. Wala. Nagbloghop sa mga binabasang blog. Nagkumento. Nagmensahe sa cbox sa gilid ng blog. Nagfollow ng bloggers sa twitter, facebook at anumang social media. Nagrequest sa mga batikang blogger ng "link exchange" o "follow me and I'll follow back". Nakareceive ng unang follower at unang commenter.

STAGE 3: FASCINATION
Tumaba ang puso sa unang kumento. Nagsulat ulit. Ngayon, mas kontrobersyal, para maging interesado ang maliligaw. Kinuwento kung paano nabigo o nasugatan ang puso. Nagpatuloy ng blog hopping at commenting. Minsan hindi na nagbabasa ng blog, kumento na lang agad para makakuha ng mambabasa. Nadagdagan ng commenters at followers. Sumunod sa mas marami pang blog. Natutong magsulat ng mas madalas.

STAGE 4: RISE TO STARDOM
Araw-araw nang nagsusulat para araw-araw ding may bagong commenters at followers. Naadik sa kakarefresh ng home page, lalo na pag bago ang post. Natutong wag lumapit sa mga sikat na bloggers. Kinilala at kinaibigan ang mga kasabayang bloggers. Naglagay ng mga kung anu-anong abubot sa gilid ng blog. Naglagay ng music sa blog. Naglagay ng stat counter. Namigay ng mga blog awards na isang tag post lang sa totoong buhay. Naging mas mapangahas sa mga sinusulat na post. Nagsimulang mapansin ng mga sikat na manunulat. Nagsimula na ring lumaki ang ulo.

STAGE 5: FAME
Naging sikat na manunulat. Nababanggit na ng ibang mga blogero sa ilang mga post. Nagkaroon ng sariling pakulo sa kanyang blog. Nagpakontest. Nang-interbyu ng kapwa blogero. Nag-oorganisa ng mga bloggers eyeball. Nagkaroon ng mga kaibigan. Nagkaroon ng mga kaaway sa blog. Naalipusta ng isang blogger. Nang-alipusta ng mga blogger. Nakakilala ng mas maraming kaibigan. Naligawan. Nanligaw. Nagkasyota.

STAGE 6: AND THEN...
Nagkasyota. Puros love life ang sinulat. Nagkaroon ng pasok sa eskwela. Nagkaroon ng bagong trabaho. Nablock ang internet sa opisina. Nakipaghiwalay sa syota. Binura ang lahat ng post tungkol sa ex. Napagkaisahan ng mga barkadang blogger. Nachismis. Nagancho ng blogger. Nawalan ng trabaho. Nawalan ng pambayad sa internet. Tinamad. Nag-anunsyo ng pag-alis sa blog. Nabuko na di nagsasabi ng totoo sa blog. Nagsimula ng bagong blog. Hindi kasing sikat nang naunang blog.

STAGE 7: DEATH
Bumalik sa unang blog. Hindi na masyadong pinansin. Nagkalove life ulit. Nawalan ng ganang magsulat. Naging ex ang bagong lovelife. Binura ang buong blog. Nakalimot ng password. Nakamove on sa blogging. Namuhay ng mapayapa sa labas ng mundo ng internet. Namatay.

*******************
Bato bato sa langit, ang tamaan wag magagalit. O kaya wag magrereact. O mag name drop (joke)

Gusto ko lang magsulat. :)


Aug 13, 2012

KWENTONG PETS

Dahil may bago akong puppy, naisip kong magkwento naman tungkol sa aking mga alaga.

Over the years, marami na akong naging alaga. Minsan nang naging parang zoo ang bahay namin sa dami ng pets namin.

Marami sa kanila, sumakabilang buhay na. Ito na lang siguro ang aking paggunita sa kanilang mga alaala.

LEONARDO / DONATELLA
Obviously sila ay mga pagong. Natuwa ako noong bata ako, dahil ang tawag sa kanila sa petshop ay "Red Eared Ninja Turtle" At dahil mura lang naman sila noon ay napilit ko ang nanay ko na bilhan ako ng alaga. Aaminin ko, noong bata ako, maikli ang attention span ko sa mga hayop. At dahil wala naman talagang ginagawa yung mga pagong, nanay ko na lang ang nagpatuloy sa pag-alaga sa kanila

MICKEY / TIM
Sila ang pinakaunang naaalala kong alaga namin na hindi aso. Mag-asawang kuneho sila. At sobrang mahal ko yung dalawang yun kasi binigyan nila kami ng napakaraming baby kuneho. Kaya lang napatay ko ang isang baby dahil katabi ko itong natulog at nadaganan ko ito noon. Yung ilan naman ay minassacre ng pusa ng kapitbahay namin. Pati ang nanay pinatay. Doon nagsimula ang malalim na galit ko sa mga pusa noon.

MICKEY / MINNIE
Sila naman ang unang aso namin na may lahi. Poodles. Mag-asawa sila, kaya lang maaga kaming iniwan ni Minnie. Nabaril siya ng tito ko. Si Mickey naman, sampung taon din nanatili sa amin. Sobrang iniyakan siya ng nanay ko nang ito'y mamatay dahil sobrang mahal kami ng asong iyon. Tuwing nilalapitan ako ng Tita ko para yakapin ay tinatahol ang Tita ko nito. Akala siguro sinasakal ako kaya pinuprotektahan ako. At dahil maliit, sinisipa lang siya ng Tita ko. Pero naappreciate ko ang effort ni Mickey.

KIYAW
Ang regalong myna ng Tito ko. Sobrang talino ng ibon, ang dali niyang maka pickup ng mga salita. Taho. Panget. Kumain ka na. Tunog ng motorsiklo ng tatay ko. Yung mga sipol ko. Lahat nagagaya niya. May tatlong taon din syang namalagi sa amin. Madrama ang pagkamatay nito. Mahal na mahal itong ibong ito ng nanay ko dahil sa sobrang bibo. May ilang buwan na hindi sila nagkita, at dun siya simulang nanghina. Nung sinabi ng kasambahay namin na malapit na itong mamatay, pinakuha si Kiyaw ng nanay ko sa isang bahay namin. Nailalabas namin siya sa kanyang kulungan, kaya ng pagdating niya sa bahay ay kinuha namin siya. Nagpaalam kami, at doon siya namatay sa dibdib ng nanay ko.

WOWIE
Mahal ko tong asong ito dahil siya yung unang aso namin na nanganak. Sobrang bait nitong asong ito na kahit noong habang nanganganak siya ay hinahayaan niya lang kami sa tabi nito. Mayroon kasing ibang aso na OA sa pagkaprotective sa kanilang tuta na lalapit ka pa lang nagwawala na. Si Wowie hindi. Sobrang gusto niya na lumalapit kami. At kahit nasa labas siya noon, hinahayaan niya akong matulog sa tabi niya para bantayan din yung tuta niya. Ngalang, isang gabi meron ata siyang nakita at nagwala siya hanggang sa mabitay siya dun sa leash niya. Dahil wala ring ina, sunod-sunod ding kinuha samin lahat ng tuta niya.

NEMO
Minsan na rin kaming nagkaroon ng clown fish. Nakakatuwa siya kasi ang ganda ng kulay. Kaya lang, hindi napapalitan yung tubig sa tirahan niya. Natakot ako na baka mamatay ito sa dumi ng tubig niya kaya naisip kong palitan ito. Naalala kong tubig alat pala ang kailangan nila  para mabuhay, at dahil wala naman akong alam na makukunan ng malinis na tubig alat, nilagyan ko na lang ng asin yung tubig sa gripo namin. Ayun, wala pang limang minuto patay na si Nemo.

Madami pa kaming naging alaga. Pero saka ko na lang ikukwento. Baka kasi lalo ninyo akong kamuhian.