Feb 9, 2008

FEEL GOOD NAMAN

Matagal na rin akong hindi nakapagsusulat ng mga mababaw at masayang ulat tungkol sa buhay ko. Siguro nga tumatanda na ako at nawawala na ang aking angking husay sa pagsulat ng mga bagay na medyo nakakaaliw o nakakatawa. Baguhin natin yan ngayong taon ng daga.

***********

Sabi ng mga manghuhula itong taon daw na ito ay hindi maganda para sa aming mga pinanganak ng taon ng mga aso. Pero di naman ako naniniwala dyan. Kahit ilang beses nang nagkatotoo sa aking ang mga hulang iyan ay para sa akin ay ito ay pagkakataon lamang. Isang MADALAS na pagkakataon!

***********

Ang hindi ako makapaniwala eh yung bantay sa tindahan namin eh nakapasok na naman sa isang game show sa ABS-CBN. Ilang beses na akong nagtetext upang makasali sa kanila eh hanggang ngayon ay hindi pa rin ako tinatawagan. Isang beses pa lang, hindi pa ako naabutan. Hay! Nung nakaraang buwan lamang eh napili siya sa Wowowee, tapos ngayon sa Wheel Of Fortune naman. Ako lahat na lang sinalihan hindi pa rin ako napipili. Oh well. Di ko pa panahon.

************

Kung bubuksan mo mp3 player ko ngayon wala ka nang makikitang kantang maingay. Tipo bang mga contemporary music na lang. Tanda na nga ito ng aking pagiging may edad. Hahahaha. Nag-iisip ako ngayon ng mga kailangan kong gawin kapag ako ay bente sais na. Karamihan ng ninais ko noong ako ay bentesingko ay natupad, kaya dapat kong ilathala ngayon taon ang mga nais ko.

************

Nais ko nga palang ipagmalaki na medyo may naiipon na akong pera. Hindi na ako nauubusan ng pera kapag malapit na ang sweldo. Paghahanda ito sa medyo nalalapit na pag-alis ko sa kumpanyang aking kasalukuyang pinaglilingkuran. Nabawasan na ang mga babasahin na aking binibili linggu-linggo. Sa katunayan ay hindi ako bumili ng komiks ngayong linggo. Marahil ay bibilhin ko ito sa susunod na linggo kasi (hahaha). Siguro mas nakakatawa ang labas ng huling dalawang pangungusap na naisulat ko kung sinulat ko yun ng inggles.

************

2 linggo na lang ay kaarawan ko na. Kadalasan ay may pagtitipon tuwing araw na yaon. Ngunit ngayong taon eh wala akong plano na magdiwang. Hindi sa ayaw ko, ngunit sa aking palagay mas mabuti na magdiwang naman ako ng araw na ito ng tahimik. Medyo matagal na rin akong hindi nakakapagpasalamat sa taas sa lahat ng biyaya na binigay niya sa akin. Siguro ang kaarawan ko ang tamang panahon para gawin ko iyon. Siyempre dapat araw-araw ay nagpapasalamat ako diba kasi katoliko ako. Sorry naman, tao lang.

************

Ano pa ba? Oo nga pala para alam ninyong lahat na nagbabasa ng blog ko. Kaarawan ko ay sa Pebrero 24. Wala lang gusto ko lang sabihin para may bumati sa akin. Kasi di ako umaasa na meron akong katrabaho na makakaalam ng kaarawan ko kasi di ko sinasabi sa opisina. Baka mapilitan pa akong manlibre. Nagtitipid nga kasi ako. Hahaha. Di baleng dito na lang. Yung iba namang nakakabasa nito eh hindi ako kilala.

*************

Isa pa pala. Wala nang balikbayan dito sa bahay. Sa wakas!!! Nakakalungkot kasi tahimik nanaman ang bahay. Pero mabuti ito para sa akin, kasi hindi na magluluto ng masasarap na mga putahe ang mga magulang ko para sa kanila. ibig sabihin nito ay makakapagbawas nanaman ako ng timbang. Lahat ng pinaghirapan ko kasi ng nakalipas na 6 na buwan eh biglang nawala noong pasko. Para bagang nagpapapayat lang ako sa paghanda sa pasko. Pero ngayon ehersisyo nanaman ako.

No comments:

Post a Comment