Dec 29, 2006

ENTRY 100: SIYA

Ang pag-ibig hindi minamadali. Yan ang natutunan ko noong nagdaang Pasko. Natutunan ko ito sa Kanya. Kaya ang ika-100 kong panulat sa taong ito ay inaalay ko sa Kanya. Siyempre hindi ito sa Panginoon dahil hindi ako ganun karelihiyosong tao. Atsaka, kung magsulat man ako tungkol dun eh malamang walang katuturan ang mababasa ninyo doon dahil hindi ako ganun katalinghaga lalo na sa paksang iyon. Bobo ako sa religion.

Tungkol it sa taong aking inspirasyon nitong mga nakalipas na araw. Hindi ko muna babanggitin ang kanyang pangalan dahil wala lang. Sikreto ko muna. Hayaan niyo namang minsan magtago ako ng sikreto.

Nakilala ko Siya noong isang buwan, pero nitong Pasko lang napadalas ang aming mga malalalim na usapan. Siya ay isang doktor, 28 ang kanyang edad at siya ang taong medyo nagpapatibok ng puso ko nitong mga araw. Ang tagapawi ng hapi sa mga araw ko. At ang taga-init ng malalamig na gabi (hindi sa bastos na paraan syempre).

Hindi pa kami nag-iibigan, pero ang dasal ko ay sana dun mapunta yun. Kung mangyari man yun, ang taong 2007 ay maaaring maging pinakamaligayang taon ng buhay ko. Wala na siguro akong hihilinging iba (siguro XBox 360 na lang o kaya PS3). Magsisimula na talaga akong magpapayat nito. Sa katunayan, ginugutom ko na ang sarili ko ngayon pa lang. Tutal naman doktor siya, maaari niya akong maging pasyente kapag nagka-ulcer ako. Para libre... Biro lang!

Mas marami nang karanasan yung tao, kaya medyo ngayon ay piling-pili lang ang mga pinagsasasabi ko. Madali kasi siyang ma-offend. Hindi masama para sa akin iyon, sa palagay ko, lahat ng sinasabi niya ay nakakatulong sa akin para maging mas mabuting tao ako. Siyempre hindi madaling magbago, pero sa tingin ko naman ay tutulungan niya ako.

Hay, masarap ang ganitong pakiramdam. Masarap ang may sinisinta, kaya panalangin ko (at sana ay isingit niyo ito sa mga panalangin ninyo), na kaming dalawa ay magkatuluyan. Sana Siya na ang taong nakatakda para sa akin.

No comments:

Post a Comment