Oct 12, 2019

ALAS KWATRO Y MEDYA

Alas kwatro y medya ng madaling araw. Sa labas ng isang bahay, maaaninag ang anino ng isang lalaki sa likod ng bintana ng kwartong may dilaw na liwanag.

Anino ng lalaking matipuno.

"Baka naman pwede mo akong pagbigyan this time. Pang-ilan na ba natin 'to?"

"Di ako nagbibilang." sambit niya. Umupo siya sa gilid ng kama. Naaninag sa dilim ang katawan niyang hubad.

"Please," boses na nagsusumamo ng kasama nito sa kwarto.

Umusog sa kabilang dulo ng kama ang binata. Kinuha ang pakete ng sigarilyo sa bulsa ng pantalon nito. "May lighter ka?" tanong ng binata.

"Wala eh. Sorry."

Binalik ng lalaki ang yosi sa pakete.

"Di ko kaya gawin ang gusto mo."

"Bakit ka nandito? Pinapaasa mo lang ako!"

"Ha? Pinapaasa? Ni minsan wala akong pinangako sa'yo? Pumupunta ako dito kasi may usapan tayo. Wala nang ibang dahilan. Nakukuha mo ang gusto mo. Nakukuha ko ang kailangan ko."

"Ganun lang yun sa'yo?"

"Seryoso ka?" tumayo ang binata. Kinuha ang panloob at nag-umpisang magbihis.

"Rhett... don't... please. I'm sorry." tumayo ang ikalawang binata, pilit pigilan ang nakaniig. "Di ko alam bakit ganito ang nararamdaman ko sa'yo. Oo may usapan tayo, pero ewan ko. Di ko mapigilan sarili ko... may nararamdaman ako sa'yo."

Kinamot ni Rhett ang kanyang ulo.

"Sorry. Di mutual ang feeling mo. Di ko alam kung may nasabi ba ako para magkaganyan ka. Pero..."

"Shit."

Tinuloy ni Rhett ang pagbibihis nito.

"Isang halik lang... kung huli na 'to."

Tiningnan ni Rhett ang kausap. Umiling iling ito.

"Please,"  nag-umpisang tumayo ang lalaki, pilit nilalapit ang labi sa mukha ng binatang kasama.

Tinulak ni Rhett pabalik sa kama ang kasama.

"Di pwede. Sorry."

Nanatiling nakatayo si Rhett sa harap ng binatang nag-umpisang mangilid ang luha.

"Mag-isip ka. Piliin mo ako, bubuhayin kita. Mahalin mo lang ako, ibibigay ko ang lahat para sa'yo. Kahit anong gusto mo."

"Di ko alam pano papaintindi sa'yo. Hindi ikaw ang gusto ko. Ito- itong nangyari sa'tin ngayon... Ikaw lang ang may gusto nito. Alam mo kung bakit ako nandito. Hindi para sa'yo. Sorry."

"Rhett!" pangangawang sabi ng isang binata.

Sinuot ni Rhett ang medyas at sapatos. "Aalis na ako."

Tumayo ang binata at pumunta kung nasaan nakapatong ang kanyang pantalon. Nilabas ang pitaka at kumuha ng limang isang libong piso.

Iniabot ang pera kay Rhett.

"Salamat dito. Mauna na ako." at tuluyan nang lumabas ng kwarto.

Iniwan ang lalaki mag-isa sa kanyang kwarto.