Apr 8, 2014

KWENTONG BANGUNGOT

Sabado ng gabi, ako'y naalimpungatan sa aking pagkakatulog. May mga batang naglalaro sa labas ng aking bintana. Malinaw ang kanilang boses, sila'y naghahabulan. Sa una'y hindi ko siya pinansin pero nang maalala ko na ako'y natutulog sa ikalawang palapag ng aming bahay, ako'y naalimpungatan.

Biglang tumahimik na sinundan ng malakas na hiyaw ng isang pusa.

Bumalik ang mga boses ng mga bata. Tila sila'y nagtatakbuhan palayo. 

"Nandyan na ang maligno!" ang huli kong narinig.

Iminulat ko ang aking mga mata.

Isang masamang panaginip. 

Tumabi sa akin si Georges St-Pierre at tinanong ako kung ok lang ba ako. Ikinuwento ko ang masamang panaginip na gumising sakin. 

Napatitig siya sakin. Medyo may pag-aalala. Pero sabi niya, wag ako mangamba dahil nasa tabi ko lang siya at ako'y kanyang babantayan habang natutulog.

Ako'y napangiti. Pero ang ngiti ko'y di nagtagal. Nakakarinig ako ng isang malakas na hilik. Ito'y nakapagtataka dahil kaming dalawa lang naman ang nasa kwarto. 

Hinanap ko ang pinanggagalingan ng nakakabahalang tunog. Sumilip ako sa aking kanan. Wala. Sa aking kaliwa. Wala. Naririnig din ni GSP ang humihilik pero wala siyang nakita. Tiningnan ko ang ilalim ng aking kama, ngunit wala pa rin akong nakita.

Nagising akong bigla.

Isang nakakabahalang panaginip.

Tumingin ako sa aking tabi. Si Kasintahan ay natutulog ng mahimbing.

MALIGNO.

Yan ang salitang tumatak sa aking isipan. Ako'y nagsimulang magdasal.

"Ama namin sumasalingit ka, sambahin ang ngalan mo..."

Napatingin ako sa labas ng aking bintana. Nakita kong bilog ang buwan. Pero parang may kakaiba. 

"Mapasaamin ang kaharian mo sundin ang loob mo..."

Ang kabilugan ng buwan, unti unting nababalot ng kadiliman.

Muli ako ay nagising. Bangungot.

Tang ina, sa isip ko hindi ako magising. Kinurot ko ang sarili ko para siguradong gising na ako. Si Kasintahan nasa tabi ko, mahimbing pa rin ang tulog. 

Niyakap ko siya. Baka sakali matatapos na ang mga bangungot ko.

Pero biglang may humila sakin patalikod kay Kasintahan. 

Isang itim na nilalang. Pilit akong niyayakap. 

Ang maligno. 

Niyayakap niya ako ng mahigpit. Hindi ako makagalaw. Hindi ako makahinga.

Pinipilit kong magising at makawala sa bangungot na ito. 

Bigla akong napaupo sa aking kama. Pawis na pawis at pilit hinahabol ang aking hininga.

Nagising si Kasintahan. 

Niyakap ko siya ng mahigpit. Kakaiba ang takot na aking nararamdaman sa di na natapos na bangungot. Walang bisa ang dasal. Pakiramdam ko'y ako'y mamamatay.

Hinalikan niya ako sa pisngi. Nananahan. 

"Matulog ka na ulit. Andito lang ako." sambit niya. Humiga kami parehong magkahawak ang kamay. 

Maya maya lang ay narinig ko ulit yung malakas na hilik.

Yung maligno.

Pilit kong ginigising si Kasintahan ngunit malalim na ang kanyang paghimbing. Naririnig kong lumalakas ang hilik. Sa aking likuran.

Nilingon ko ang pinanggagalingan ng tunog na aking kinatatakutan.

Isang itim na nilalang ang sa tabi ko'y natutulog. 

At ako ay nagising. 

Tunay na gising. 

Pinilit kong tumayo at uminom ng tubig.

11:49pm ang sabi ng orasan sa aking telepono.

Wala nang maligno.

Gising na ako.

Ang bilis ng pintig ng aking puso. 

Nagising si Kasintahan sa aking kalikutan.

Hindi ko na yata kayang bumalik pa at matulog.

Alas tres na nang muling pumikit ang aking mga mata.