Jul 3, 2012

AKO AT ANG MULTO SA KWARTO KO

Hindi pa man ako nakakakita ng multo, naniniwala ako na mayroon akong kasama sa kwarto ko na nilalang na hindi nakikita ng mga karaniwang tao.

Nararamdaman ko na hindi ako nag-iisa. At hindi lang ako, minsan si Kasintahan din ay nakakaramdam nito.

Paano ko nasabi? Sige, ikukwento ko ang mga naranasan ko noong isang linggo at ang mga nakaraang karanasan ko with Casper the not-so-friendly ghost.

Noong isang linggo, nakaleave ako ng dalawang araw. Noon lang yata ako ulit nagleave mula nung buwan ng Marso o Abril. Feeling ko dahil hindi sanay kung sino man yung nakikitira sa kwarto ko na may tao dun ng gabi, ako ay hindi niya pinatulog.

Una, tuwing nakakaidlip ako, binabangungot ako. Take note, nagigising ako every 30 minutes dahil sa bangungot.

Ikalawa, alas-tres ng madaling araw, nararamdaman ko na parang may nagsa-suck ng daliri ko.  Wala man ako nakikita, alam kong parang may sumusubo sa daliri ko.

Ikatlo, ilang minuto matapos nung kaganapang iyon, niyakap niya ako.

Ikaapat, minsan diba kahit nakapikit tayo, ay nararamdaman natin kung may taong dumadaan dahil nagshishift yung liwanag. Noong madaling araw na iyon, kahit nakapikit ako, may umiikot-ikot sa may kama ko.

Ikalima, isang beses nagising ako dahil parang may nagbuhat at nagbagsak ng paa ko.

Ikaanim, nang magmusic ako sa takot after nung kaganapang iyon, ay may narinig akong bumubulong mula sa speaker ng cellphone ko. Hindi siya parte ng musikang pinakikinggan ko.

Ikapito, minsan kapag nagsasayaw ako ng Dance Central sa kwarto, nawawala ako sa camera, ngunit nadadagdagan pa rin ang puntos ng karakter ko sa laro. Kahit wala namang nagsasayaw.

Ikawalo, kwento ni Kasintahan, minsan na raw may kumatok sa kwarto ko ng madaling araw, kahit tulog na lahat ng tao sa bahay namin.

Ikasiyam,  madalas akong nakakarinig ng mga batang naghahabulan sa labas ng bintana ko kahit alas dos ng madaling araw. Sa labas mismo ng bintana ko. Sa 2nd floor ako ng bahay natutulog.

Ikasampu, minsan ko nang naramdaman na lumubog ang kutson ng kama ko na para bang may umuupo sa tabi ko, kahit mag-isa lang ako.

Sa totoo lang, hindi ako masyadong nababahala sa mga nangyayari sa kwarto ko. Kung magpapatalo ako sa takot, wala na akong tutulugan. Ang hiling ko lang, wag sana magpakita sa akin kung sino man iyong kasama ko sa kwarto.

Sigurado pag nangyari yun, atake sa puso ang aabutin ko.